Arestado ang isang opisyal ng Bureau of Customs (BoC) sa umano’y pangongotong sa dalawang student-trainee kapalit ng hindi pagbabayad sa buwis para sa inangkat ng Panay Power.

Sinabi ng mga opisyal ng BoC na naaresto si Customs Administrative Aide Aristotle Tumala sa entrapment operation ng Intelligence and Enforcement Group matapos itong tumanggap ng P7,000 marked money sa isang ahente.

Ang entrapment operation ay ikinasa base sa reklamo ng dalawang student-trainee kay Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa na nagsabing humingi si Tumala ng lagay bilang kapalit sa pagpapalabas ng mga inangkat na gamit.

Si Tumala ay nakatalagang administrative aide sa Tax-Exempt Division na nagpoproseso at nagpapalabas ng endorsement for release para sa mga inangkat na gamit.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Sinabi ni Tumala (sa student-trainee) na may problema sa papel at kailangan ng ‘ulo ng aso,’” anang BoC.

Ang “ulo ng aso” ay karaniwang ginagamit bilang “code” sa “lagay” dahil makikita sa kaliwang itaas na bahagi ng P1,000 bill ang ulo ng isang aso.

Nang maabisuhan hinggil sa reklamo, agad na ipinag-utos ni Dellosa ang entrapment operation laban kay Tumala.

Pinuri rin ni Dellosa ang dalawang estudyante dahil sa ipinamalas ng mga itong katapatan at katapangan sa pagtulong sa pagpapatigil ng mga ilegal na gawain sa Customs Bureau.