Dumating na ang apat na chiller na binili sa Amerika para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bilang bahagi ng rehabilitasyon ng paliparan.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado, na sinimulan nilang paganahin ang isa sa apat na bagong air handling unit (AHU) habang ang tatlo ay gagamitin sa Nobyembre 24, Disyembre 3 at Disyembre 15.
Nabatid na halos kalahati na ng mga AHU ng terminal ang napalitan at inaasahang makukumpleto na ito sa unang mga buwan ng 2015.
Simula nang mailagay ang AHU, nasa 21-degree Celsuis ang naitala pinakamalamig na temperatura sa NAIA terminal 1 ngunit kalimitang naglalaro ito sa 23.5 hanggang 24-degree Celsius, na pasok naman sa pamantayang temperatura na 24 hanggang 25-degree Celsius. Inaantabayanan ang temperatura kada tatlong araw upang matiyak na tuloy-tuloy ang paglamig sa loob ng terminal.
Gayunman, inamin ni Honrado na kulang pa ang AHU sa level 3 at 4 ng NAIA Terminal 3 kung kayat umorder pa sila ng karagdagang chiller.
Patuloy ang paghingi ng paumanhin ni Honrado sa publiko dahil sa abalang dulot ng ginagawang rehabilitasyon sa NAIA lalo na sa Terminal 1. - Mina Navarro