Mula sa tatlong bansa sa West Africa, ang Liberia, Sierra Leone, at Guinea, waring tumalon ang epidemyang Ebola hanggang Republic of Mali. Doon, isang imam at ang nurse na tumitingin sa kanya ay naiulat na namatay at lahat ng nasa klinika kung saan siya ginamot ay sumasailaim na sa quarantine. Tatlumpung katao sila, kalahati ang medical staff, pasyente. Ang kalahati pa ay mga United Nations Peacekeeper na nakatalaga sa isang misyon sa Mali.
Mapalad tayo na ang nagsiuwing mga Pinoy UN Peacekeeper kamakailan mula Liberia ay walang direct contact sa kahit na sinong pasyente na may Ebola virus noong naroon pa sila sa naturang bansa. Kung hindi, dodoble ang ating pag-aalala sa kalusugan ng 108 katao na dumating noong isang araw na nasa Caballo Island ngayon sa bokana ng Manila Bay.
Mapanganib ang Ebola virus na kumakalat sa pamamagitan ng direct contact sa isang pasyente, sa body fluids tulad ng pawis at dugo. Kaya nga kailangang protektado ang buong katawan ng mga doktor at nurse mula ulo hanggang paa – sa protective gear na magpahanggang ngayon ay wala pa tayo. Nagreklamo na ang mga hospital personnel sa mga center na nakatalagang tumanggap ng pasyenteng may Ebola na ang kanilang protective gear na inisyu sa kanila ay may malilinggit na butas sa bahaging leeg at mukha.
Ang abilidad ng Ebola virus na madaling lumipat sa ibang tao sa pamamagitan ng paghipo lamang sa isang pasyente ay sinasabing isa sa mga pangunahing dahilan ng paglaganap ng sakit sa West Africa. Ang tradisyonal na rituwal sa paglilibing ng pumanaw sa Africa, ay sinasabing kailangang magbigay-pugay ang mga naiwang kamag-anak sa namatay, at kabilang doon ang paghawak. Huwag sanang mangyari na kapag may kaso ng Ebola sa ating bansa, paanong hindi hahawakan ng isang ina ang kanyang pumanaw na anak sa huling pagkakataon?
Ang mga hakbang na ipinatupad ng ating Armed Forces sa pagsasailalim sa quarantine ang ating nagsiuwing UN Peacekeepr sa loob ng 21 araw sa Caballo Island ay parang malupit sa tinging ng iba, sapagkat nasuri na ang lahat ng ito ng mga UN doctor bago pa umalis ng Liberia. Ngunit kailangang tanggapin natin sila. Nakaaalarma talaga ang mga bilang – mahigit 5,160 na ang namatay at may 14,000 kaso sa buong daigdig. Ngunit higit pa sa mga bilang ay ang human element. Higit pa sa mga mamamayan ng West Africa, may sarili tayong kultura ng pag-ibig at respeto sa ating mga mahal sa buhay, maging biktima man sila ng Ebola o hindi.