Nahaharap ngayon sa kasong administratibo ang tatlong tauhan ng Pasay City Police Station matapos isangkot sa robbery ng isang messenger na may dala-dalang P1 milyon.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Henry Ranola ang tatlong pulis na sina PO2 John Mark Manguera, 33, ng 1228 Interior 62, Tambunting St., Sta. Cruz, Manila; at PO1 Ronald Villanueva at PO1 Alas Noli Tiu Soliman, kapwa residente ng General Trias, Cavite.

Dalawa pang kakutsaba umano ng mga pulis – sina Limuel Camposagrado at Alexander Pantoja – ang kinasuhan din. Si Camposagrado ay kasalukuyang nakapiit sa Pasay City Police Station habang si Pantoja ay nakapagpiyansa ng P100,000.

Ang tatlo ay nakatalaga sa Central Park Police Community Precinct 5 ng Pasay City Police.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Base sa resulta ng imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO), tinangay ng tatlong pulis ang P1,002,931 mula kay Jeffrey Rabe, 24, messenger ng Senubi Travel and Tour Company, noong Nobyembre 6, 2014.

Idedeposito sana ni Rabe ang salapi nang siya ay harangin ng mga suspek sa panulukan ng Macapagal Boulevard at Buendia Extension.

Subalit nakunan ng CCTV habang nagkukumpulan ang mga suspek sa Tambunting St. matapos ang insidente habang daladala ni Pantoja ang bag ni Rabe na may lamang P1 milyon.- Mitch arceo