Hindi na matutuloy ang inaabangang Binay-Trillanes debate sa Nobyembre 27. Maraming Pinoy ang naghihintay sa debate ng isang pulitiko at ng isang sundalo. Ang tema sana nila ay hinggil sa umano ay overpriced Makati City Parking Building at ang Hacienda Binay sa Rosario, Batangas.

Si Vice President Jejomar Binay ang naghamon sa debate upang patotohanan na hindi siya gumawa ng ano mang katiwalian noong siya ay mayor pa ng siyudad ng Makati. Gayunman, patutunayan naman ni Trillanes na nagkamal ng hindi maipaliwanag na yaman si VP Binay noon.

Umatras ang Bise Presidente sa pakikipagdebate kay Sen. Trillanes noong Martes. Marahil ay pinakinggan at sinunod niya ang payo ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada na walang mapapala si Binay sa pakikipagdebate sa isang senador. Isipin mo nga naman, siya ay Vice President at si Trillanes ay senador lang kung kaya hindi magkapantay ang kanilang posisyon.

Sakaling manalo sa debate si VP Binay, sasabihin ng mga tao na tama lang na siya ang manalo dahil siya ay isang abogado.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sakali namang inilampaso siya ni Trillanes, sasabihin ng mga Pinoy na mahina pala si Binay at tinalo ng isang tauhan ng Philippine Navy.

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata ng bangayang Binay-Trillanes. Abangan din natin ang mga susunod pang pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel at kasapi sina Alan Peter Cayetano at Trillanes.

Di ba kayo nagtataka kung bakit ang dumadalo lang sa pagdinig ng Senado ay sina Pimentel, Cayetano at Trillanes? Bakit, wala na bang ibang senador na kasapi ng Senado? Nasaan ang ibang mga senador?