Ginugunita ng bansa si Pangulong Elpidio R. Quirino, ang ikaanim na Pangulo ng Pilipinas, sa kanyang ika-124 kaarawan ngayong Nobyembre 16. Isang non-working holiday ngayon sa kanyang lalawigan ng Ilocos Sur, sa bisa ng Proclamation 1927 na inisyu noong Nobyembre 15, 1979. Magdaraos ng commemorative rites sa kanyang bantayog sa Plaza Salcedo sa Vigan, sa harap ng provincial capitol, at sa Syquia Mansion, ang kanyang Vigan residence, kung saan naroon ang kanyang memorabilia at art collection. Ang colonial mansion, na itinayo noong 1830, ay pag-aari ng pamilya ng kanyang maybahay na si Doña Alicia Syquia Quirino.
Magugunita si Pangulong Quirino sa pagbangon mula sa digmaan at ang pagsikad ng ekonomiya ng Pilipinas at mas maraming ayudang pang-ekonomiya mula sa Amerika. Ang kanyang mga programa sa industriyalisasyon – irigasyon, hydroelectric plant, pabrika ng semento – ay nakatulong sa pagkakaloob ng mga trabaho para sa mga Pilipino. Nilusaw niya ang mga pagbabanta ng mararahas na kilusan sa mga lalawigan. Nagpadala siya ng 7,000 sundalong Pilipino sa
Philippine Expeditionary Forces to Korea noong Korean War. Sa kanyang administrasyon naging unang Asian si General Carlos P. Romulo na mahalal bilang pangulo ng United Nations General Assembly.
Isinilang noong 1890 sa Vigan, Ilocos Sur, mga magulang niya sina Don Mariano at Doña Gregoria Rivera Quirino. Nagtapos siya ng elementarya sa Ilocos Sur at high school sa Manila. Nagtrabaho siya sa Bureau of Lands at sa Manila Police Department. Noong 1915, natamo niya ang kanyang law degree mula sa University of the Philippines at pumasa sa bar sa taon ding iyon. Noong 1919, nahalal siya sa Kamara de Representantes, at noong 1925 sa Senado. Noong 1934, umanib siya sa Philippine Independence Mission sa Washington, DC, at naipatupad ang Tydings-McDuffie Act, na nagtakda sa Philippine Independence sa Hulyo 4, 1946. Siya ay delegado sa convention na bumalangkas sa Philippine Commonwealth Constitution. Naglingkod siya bilang secretary of finance at secretary of the interior sa Commonwealth government.
Pagkatapos ng digmaan, naging secretary of state at vice president siya ni Pangulong Manuel A. Roxas, ang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas. Nang Mamatay si Pangulong Roxas noong Abril 15, 1948, si Quirino ang humalili, at nahalal bilang Pangulo sa sumunod na taon para sa apat na taong termino. Matatandaan ang kanyang pagkapangulo sa “for the good of the masses” policy. Lumapit siya sa mga tao upang iangat ang kondisyon sa ekonomiya nito. Ginawa niyang kapital ng bansa ang Quezon City sa pamamagitan ng Republic Act 333. Pagkatapos ng kanyang termino, nagretiro siya sa kanyang tahanan sa Novaliches, Quezon City kung saan siya pumanaw noong Pebrero 29, 1956 at inilibing ang kanyang mga labi sa Manila South Cemetery.