Nina BETH CAMIA at MARY ANN SANTIAGO

Plano ng Malacañang na gawing holiday ang araw ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero.

Ito ang inihayag ni Executive Secretary Paquito Ochoa sa pakikipagpulong niya sa Simbahang Katoliko, sa pamumuno ni Manila Archbishop Luis Tagle noong Biyernes.

Ayon kay Ochoa, ikinokonsidera ng Palasyo na ideklarang holiday ang petsa ng pagbisita ng Papa dahil sa inaasahang higit pang pagsisikip ng trapiko sa mga lugar na daraanan nito sa Metro Manila at sa Tacloban sa Enero 15-19.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Samantala, English ang gagamitin ng Papa sa kanyang public engagement at speech habang nasa bansa bagamat posible ring gumamit siya ng Latin sa pagmimisa.

Nabatid na dakong 5:44 ng hapon ng Enero 15, Huwebes, darating sa Villamor Air Base ang Papa mula sa Sri Lanka.

Dakong 9:15 ng umaga ng Enero 16 ay magko-courtesy call ang Papa sa Malacañang at makalipas ang isang oras ay makikipagkita siya sa iba pang mga opisyal ng gobyerno at mga miyembro ng diplomatic corps.

Isang misa ang idaraos ganap na 11:15 ng umaga sa Manila Cathedral sa Intramuros kasama ang mga obispo at pari na susundan ng isang pulong kasama ang mga pamilyang Pilipino sa Mall of Asia Arena sa Pasay dakong 5:30 ng hapon.

Sa Enero 17, Sabado, ay tutulak na patungong Tacloban City, Leyte ang Papa sa ganap na 8:15 ng umaga at inaasahang darating sa siyudad ng 9:30 ng umaga para magmisa malapit sa Tacloban Airport pagsapit ng 10:00 ng umaga.

Manananghalian si Pope Francis, dakong 12:45, kasama ang mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’ sa Archbishop’s Residence sa Palo, Leyte at pagsapit ng 3:00 ng hapon ay babasbasan naman niya ang Pope Francis Center for the Poor sa Palo.

Ganap na 3:30 ng hapon ay makikipagpulong ang Papa sa mga pari, seminarista, relihiyoso, at mga pamilyang nakaligtas sa bagyo sa cathedral ng Palo at ganap na 5:00 ng hapon ay babalik na sa Maynila.

Makikipagpulong ang Papa sa iba’t ibang lider ng mga samahang panrelihiyon sa University of Sto. Tomas sa Maynila sa Linggo ng umaga at pagsapit ng 3:30 ng hapon ay magmimisa siya sa Rizal Park sa Maynila.

Isang departure ceremony ang idaraos sa Presidential Pavilion sa Villamor Airbase sa Pasay City, ganap na 9:45 ng umaga sa Lunes, Enero 19, at pagsapit ng10:00 ng umaga ay babalik na sa Rome si Pope.