PAALIS ngayong umaga patungong Singapore ang tinaguriang royal couple ng GMA Network na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera para sa patuloy nilang pre-nuptial pictorial doon, kasabay na ang pahinga at bonding nila with Marian’s management company, ang Triple A Entertainment.
Kasama nilang aalis sina Mr. Tony Tuviera, Director Mike Tuviera, Rams David at ilan pang staff ng company. Ang pre-nuptial video ay ipalalabas bago ganapin ang wedding nila sa December 30, sa Cathedral of the Immaculate Conception sa Cubao.
Nakausap ng entertainment press si Marian pagkatapos niyang pumirma ng kontrata bilang first celebrity endorser ng Nailandia Nail Studio and Body Spa na pagkaraan ng dalawang taon simula nang itatag ay may marami ng branches sa iba’t ibang lugar ng bansa dahil maraming nagpa-franchise nito. Tinanong namin si Marian kung magkakakaroon din siya ng sariling franchise nito.
“P’wede, dahil mahilig ako talagang bumisita sa paborito kong nail spa para sa pag-aalaga ng aking hands and feet,” sagot ng dalaga. “Nang i-offer nila sa akin ang endorsement na ito at bago kami mag-pictorial, sinubukan ko muna ang iba’t ibang inio-offer nilang services. Ayaw ko kasing mag-endorse ng isang produkto na hindi ko muna ginagamit. Gusto ko munang malaman kung tama ang endorsement na gagawin ko. At sa Nailandia, p’wede kong isama si Dong dahil hindi siya maiilang na pambabae lang ang services na ibinibigay nila at maganda ang kapaligiran nito.”
Ayon sa may-ari ng Nailspa si Ms. Noreen Divina, may packages din sila para sa mga lalaki. Ngayong nakapirma na si Marian ng contract sa kanila, mas marami raw ang nagtatanong tungkol sa franchising, mag-uusap muna sila ng board at baka taasan nila ang franchise nila pero very affordable pa rin daw ito para sa mga may gustong magkaroon ng sariling Nailandia sa kanilang lugar.
Samantala, nagbigay ng ilang updates si Marian tungkol sa kasal nila ni Dong after the launch. Naisukat na raw niya ang kanyang wedding gown, personal nilang pinuntuhan ni Dingdong ang shop ng Filipino fashion designer na si Michael Cinco based in Dubai, pagkatapos ng kanilang Kapuso Pinoy Show doon last week.
“Halos naiyak na nga ako nang makita ko ang gown dahil sinunod lahat ni Michael kung ano ang gusto ko at napag-usapan namin,” kuwento ni Marian. “Nakita ko pa ang mga Indian women na siyang naglalagay ng beads sa wedding gown ko. Na-excite nga ako at para tuloy gusto kong hatakin na ang araw ng wedding namin para maisuot ko na ang gown. Uuwi si Michael dito dahil siya ang magbibihis sa akin sa wedding day. Hanggang diyan na lang ang p’wede kong masabi dahil kahit si Dong, hindi niya nakita ang wedding gown, kahit siya pa ang nagbayad. Makikita na lang niya ito sa araw ng kasal namin dahil bawal daw makita ng groom ang wedding gown.”
Totoo bang napakamahal ng gown?
“Tanungin na po lamang ninyo si Dong dahil siya ang nagbayad. Wala akong share, siya lahat ang gumastos. Kaya nakikinig lang ako kapag nakikipag-meeting siya sa lahat ng namamahala sa kasal namin, taga-approve lang ako sa mga pinag-uusapan nila, dahil si Dong, ang lahat ay inihanda niya para sa kaligayahan ko at hindi para sa ibang tao.”
Kailan darating sa Pilipinas kanyang amang si Franco Gracia Alonso?
“Sa December 26 po. Gusto nga niya sa December 25 siya dumating dito pero kaawa-awa naman ang wife niya at tatlo kong kapatid sa Madrid, hindi siya makakasama sa Pasko. Siya lang mag-isa ang uuwi rito dahil gusto kong masolo siya sa kasal ko at sa New Year. Ipapasyal din namin siya ni Dong sa Boracay na gusto niyang marating.”
Paano ang honeymoon nila, kasama rin nila ang papa niya?
“Siyempre, hindi na, kami na lang ni Dong ang magkasama,” natatawang sagot ni Marian. “Ten days lang kaming p’wedeng mag-honeymoon at makikipag-meeting pa kami sa travel agent namin dahil lahat ng lugar na gusto naming puntahan, winter sa kanilang lugar. Aalamin namin kung ano ang p’wede nilang i-offer sa amin kahit winter sa country na mapipili namin. Kailangan kasi naming bumalik agad dahil magsisimula na ang Starstruck 6 na iho-host ni Dong.”
Tuluy-tuloy pa rin ang trabaho ni Marian at sunud-sunod pa ang mga humabol na trabaho bago ang wedding day niya. May biglaan siyang cover pictorial ng isang glossy magazine na lalabas sa first week ng December. May endorsement shoot siya ngayon kahit sa January, 2015 pa ang launch. May advanced tapings pa siya ng episodes ng dance show niyang Marian.
Hanggang kailan mapapanood ang kanyang dance show?
“Gusto nga nila hanggang kaya ko pa raw, mag-taping ako, kaya baka hanggang January, 2015 pa ito mapapanood. Siyempre, after ng wedding, gusto ko namang ang asikasuhin na ay ang asawa ko para magkaroon na kami ng anak.”
Hindi ba siya napapagod?
“Masaya at excited lamang ako, hindi ako nakakaramdam ng pagod. Sinabihan na nga ako ni Dong na magpahinga naman ako ‘pag may time, pero sa pag-ibig daw huwag akong magpapahinga,” napatili pang sabi ng dalaga na malapit nang ikasal.