Ni Genalyn D. Kabiling

Taimtim na nananalangin ang Malacañang sa maiiwas ang bansa sa mga kalamidad sa susunod na buwan upang maging masaya naman ang Pasko ng mga Pilipino.

Isinatinig ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda ang inaasam ng gobyerno na Paskong calamity-free makaraang salantain ang bansa ng magkakasunod na kalamidad sa nakalipas na mga taon.

“Matatandaang sa nakalipas na tatlong Disyembre ay sinalanta tayo ng mga kalamidad—‘Pablo,’ ‘Sendong,’ ‘Yolanda’—na talaga namang nagpalungkot sa Pasko natin,” sinabi ni Lacierda sa press briefing sa Palasyo noong Biyernes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Nagdadasal kami, umaasa kami—at siguro lahat tayo ay sama-Bayossamang nagdadasal—na wala nang kalamidad na bibisita sa bansa sa Disyembre, upang makapagdiwang naman tayo ng makahulugan at masayang Pasko,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacierda na ilang tao ang piniling huwag magdaos ng Christmas party noong nakaraang taon bilang pakikiramay sa mga sinalanta ng magkakasunod na kalamidad. “Pero sana ngayong taon, kung sana ay wala nang kalamidad, sana ay maging masaya talaga ang Pasko natin,” dagdag ni Lacierda.

Patuloy ang malawakang rehabilitasyon ng gobyerno para sa mga komunidad na sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8, 2013. Saklaw ng P167-bilyong rebuilding master plan ang iba’t ibang proyektong imprastruktura, pangkabuhayan, resettlement at social services.