Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

3 p.m. Barako Bull vs. Kia Sorento

5:15 p.m. San Miguel Beer vs. Barangay Ginebra

Nakatakdang pag-agawan ng magkapatid na koponan na San Miguel Beer at Barangay Ginebra San Miguel ang ikalawang posisyon sa kanilang pagtutuos ngayon sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Magkasunod ngayon sa team standings ang dalawang koponan sa likod ng wala pang talo na Alaska (6-0) kung saan ang Kings ay may barahang 5-1 at Beermen na hawak ang kartadang 4-1.

Sa nasabing mga koponan, nakaaangat ang Kings at maging ng kanilang morale dahil nanggaling ang koponan sa tatlong sunod na panalo matapos malasap ang unang kabiguan sa kamay ng NLEX, kabaligtaran ng Beermen na dumanas ng dalawang sunod na kabiguan sa nakaraan nilang laro.

Huling pinataob ng Kings ang Barako Bull, 94-75, noong nakaraang Nobyembre 12 sa pamumuno nina Joseph Yeo at Mark Caguioa na nagposte ng 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Habang naungusan naman ng baguhang NLEX ang Beermen sa huli nilang laban noong Nobyembre 8, 76-79.

Ngunit bago ang nasabing kinasasabikang tapatan ng dalawang koponan, partikular ang matchup ng kanilang mga big man na sina reigning MVP Junemar Fajardo ng San Miguel at nakaraang taong top rookie na si Greg Slaughter para sa Kings, magtutuos muna sa pambungad na laro ang winless na Barako Bull at ang Kia Sorento ni boxing icon Manny Pacquiao.

Hangad ng Energy Cola, sa ilalim ng bagong coach na si Koy Banal, na makabasag na sa win column matapos dumanas ng limang sunod na kabiguan ngunit tiyak namang hindi sila basta na lamang pahihintulutan ng Kia na hindi lamang naghahangad na makabangon sa kinasadlakang limang sunod na kabiguan matapos manalo sa opening day laban sa Blackwater. Nakatutok ngayon ang mga manlalaro ng Kia sa insetibong ipinangako sa kanila ng playing coach na si Pacquiao.

Nangako ang world boxing champion na kung magagawa nilang manalo uli ay bibigyan niya ng pagkakataon ang mga ito na makapanood ng kanyang laban sa Macau sa Amerikanong si Chris Algieri sa Nobyembre 23.