Isang hindi pa kilalang lalaki ang namatay habang mahigit sa 2,500 katao ang nawalan ng tahanan sa dalawang magkahiwalay na sunog sa Tondo, Manila kahapon ng madaling araw.
Ayon sa mga fire investigator, aabot sa P6.5 milyon ang halaga ng mga natupok na ari-arian sa Area 18, 19 at 20 sa Parola Compound sa Tondo.
Nagsimula ang sunog dakong 1:20 ng madaling araw kahapon at umabot ito sa general alarm matapos ang 30 minuto.
Nagpahayag ng paniniwala si SFO2 Sany Lacuban na maaaring nag-ugat ang sunog sa electrical overload o isang kandilang naiwanan sa burol sa bahay ng isang alyas “Steve”. Nagdeklara ng fire out dakong 7:47 ng umaga, ayon pa sa ulat.
Isang lalaki ang namatay sa insidente.
Samantala, mahigit sa 30 bahay ang natupok sa sunog na nagsimula dakong 12:07 kahapon ng madaling araw sa Del Pan, Binondo kahapon ng madaling araw. - Rachel Joyce E. Burce