Brandon-Vera-presscon_06pionilla_030914-550x412

Bukod sa Filipino-American na si Brandon Vera na magbabalik sa loob ng octagon, tatlo pang Pinoy fighters ang naidagdag sa fight card ng One FC: Warriors' Way na idaraos sa Mall of Asia Arena sa Disyembre 5.

Muling sasabak sa aksiyon ang Filipino fan favorite na si Eduard Folayang, gayundin din ang dating women's boxing champion na si Ana Julaton na susubuking makabawi mula sa huli nitong pagkatalo.

Bukod dito, masusubok ang lakas ng dating Southeast Asian Games wushu champion na si Rene Catalan upang makasungkit ng kanyang unang panalo sa mixed martial arts sa harap ng mga kababayan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"ONE Fighting Championship has taken over Asia this year with blockbuster shows all over the continent! ONE FC will return to Manila with one of our most stacked cards to date and the night will feature three martial arts champions from the Philippines," lahad ni One FC CEO Victor Cui sa isang press statement.

Makikipagtagisan ng galing si Folayang, na nanalo sa kanyang huling dalawang laban, kontra kay Russian lightweight Timofey Nastyukhin, na mayroon namang nine-fight winning streak.

Sasandalan ng fighter na mula sa Team Lakay ang kanyang mga pagwawagi laban kina Vincent Latoel at dating One FC lightweight world champion Kotetsu Boku.

Sa kabilang dako, sabik nang makabalik sa win column si Julaton makaraang malasap ang unang pagkatalo sa MMA sa mga kamay ng Malaysian na si Ann Osman sa Dubai noong Agosto.

Hahamunin niya ang national Egyptian kickboxing champion na si Walaa Abbas.

Target naman ni Abbas na maipaghiganti ang kakamping si Aya Saied Saber sa naging pagkatalo nito kay Julaton, isang dating WBO at IBA super bantamweight champion, sa naging One FC debut nito sa Manila noong nakaraang taon.

Isang taong hindi lumaban si Catalan at magiging malaking hamon para sa kanya ang Muay Thai world champion na si Dejdamrong Sor Amnuaysirichoke, na naipanalo ang kanyang huling dalawang laban sa pamamagitan ng submission.

Anim na Filipino MMA fighters na ang nakatakdang lumaban sa sinasabing pinakasiksik na fight card ng One FC sa kasalukuyan. Magbabalik din sa aksiyon sina Kevin Belingon at Honorio Banario.