Masusing paghahanda na ang ginagawa ng Philippine National Police (PNP) para sa seguridad sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 2015.
Sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima, inilatag na niya ang buong diskarte na: “Whole of Government Approach and Major Event Security Management Framework” sa pagbibigay ng seguridad sa pagdalaw ng Papa sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Itinalaga ni Purisima si Deputy Chief for Operations (TDCO), Police Deputy Director General Leonardo Espina, bilang Task Force Commander ng PNP Special Task Force “Papal Visit 2015”.
Si Espina ang mangangasiwa ng strategic direksiyon, subaybayan at pangasiwaan ang mga tauhan ng PNP unit na binubuo ng mga grupo sa iba’t ibang lugar.
Ilang PNP Task Group ang itinatag upang magbigay ng isang malawak na hanay ng mga magpapatakbo ng seguridad sa lahat ng lugar.
Itinalaga rin ng PNP ang Presidential Group Security (PSG) kung saan ay magbibigay naman ng malapitang seguridad at kaligtasan ng Papa.
“Extensive security coverage and other public safety services will be undertaken in all areas of engagements and its adjacent areas during the Papal visit. It is imperative that the security and safety of the Pope be given utmost priority,” sinabi ng PNP chief.
Si Gen. Purisima ay miyembro ng multi-agency Papal Visit-National Organizing Committee na itinalaga sa pamamahala at koordinasyon ng lahat ng mga plano at mga gawain, panatilihin ang kapayapaan at pangalagaan ang mga kalahok.
Kasama na rito ang kaligtasan ng publiko at pagpapanatili ng peace and order para makontrol ang mga tao, trapiko at rutang dadaanan ni Pope Francis.
“Sustained anti-criminality and internal security operations in collaboration with other law enforcement agencies and concerned local government units are also being conducted,” dagdag pa ni Purisima.