Nina CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE at ELENE L. ABEN

Inihayag ng Department of Health (DoH) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isa sa 133 peacekeeper mula sa Liberia ang nilagnat—na isa sa mga sintomas ng Ebola—at sinabing wala pang katiyakan sa ngayon kung ano ang tunay na lagay ng peacekeeper hanggang wala pang resulta ang pagsusuri rito.

“Kaninang umaga, may isa tayong peacekeeper na nagkaroon ng lagnat. One of our peacekeepers developed fever, chills and body malaise. Dahil nanggaling siya sa Liberia, we are testing him for Ebola,” sabi ni acting Health Secretary Janette Garin.

Umabot sa 39.4 degrees Celsius ang pinakamataas na temperatura ng peacekeeper.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, aniya, sa “doctor’s clinical eye” ay masasabing may malaria ang pasyente, idinagdag na dati nang dinapuan ng malaria ang peacekeeper noong nasa Liberia pa ito.

“With this, the health personnel will test the patient for both Ebola and malaria. The result for the test for Ebola will be available after 48 hours; while the result for malaria can be released after a day.”

“We are transferring this patient to a hospital para masigurong wala siyang Ebola and at the same time review the malaria treatment he had before,” ani Garin.

Kasabay nito, umapela sa publiko si Garin at ang pamunuan ng AFP na maging mahinahon.

“Wala pong dapat ikaalarma ang publiko, ‘wag po kayong mag-panic. Wala pa rin pong Ebola sa Pilipinas,” ani Garin.

“We cannot guarantee unless there is a test. What we are saying is that ‘yong pasyenteng may Ebola, kung saka-sakaling may Ebola nga, hindi siya nakakahawa kung wala pang sintomas,” aniya, sinabing sa huling pagsusuri sa pasyente ay wala pa itong body secretion.

Wala ring sintomas ng Ebola ang peacekeeper na gaya ng pagsusuka o pagtatae, ayon kay Garin.

“Nakakahawa lang po ang Ebola kung may mga sintomas na ang pasyente. Ebola is not airborne. While contagious, it is not an easy virus to catch…. ‘Yong lagnat is a sign na walang fluids, walang sasakyan ‘yong Ebola para lumipat,” paliwanag niya.

Miyerkules ng gabi nang bumalik sa bansa ang 133 peacekeeper mula sa Liberia at agad na dinala sa Caballo Island sa Cavite para sa 21-araw na quarantine.

Tiniyak ng AFP na pumasa ang lahat ng 133 peacekeeper sa Ebola screening test ng mga doktor ng United Nations bago pa magsiuwi ang mga ito.

Sinabi pa ng militar na pawang nabibilang sa kategoryang “no risk” ang 133 peacekeeper, na nangangahulugang hindi sila direktang nalantad sa Ebola dahil itinalaga sila sa loob ng headquarters ng UN Mission sa Liberia.