Humingi ng paumanhin si Vice President Jejomar Binay sa mga opisyal ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) matapos siyang umatras sa debate kay Senator Antonio Trillanes IV na una nang itinakda sa Nobyembre 27.
Personal na ipinaabot ni Binay ang kanyang paumanhin nang sumipot sa isang event ng KBP sa Tagaytay.
Habang nalalapit ang itinakdang debate, laging banggit ni Trillanes na llamado ang bise presidente sa debate dahil isa itong abogado at beteranong pulitiko.
Hindi ito nagustuhan ni Binay kaya umatras siya sa paniwalang nagmumukha siyang mapang-api at mapagsamantala kung haharap pa sa debate sa senador.
Determinado si Trillanes na habulin at ipakulong si Binay dahil sa mga umano’y katiwalian noong alkalde pa ito ng Makati City.
Una nang inihayag ng KBP na inirerespeto nito ang desisyon ng Bise Presidente at nakahanda pa rin ang kapisanan na pangasiwaan ang debate sakaling magbago ng isip si Binay.