Laro ngayon: (University of Southeastern Philippines-Davao City)
5 p.m. Rain or Shine vs. Meralco
Muling makapagtala ng back-to-back wins at umangat sa solong ikaapat na posisyon ang tatangkain ngayon ng Rain or Shine habang makabalik naman sa win column ang hangad na maisakatuparan ng Meralco sa isa na namang road game sa ginaganap na PBA Philippine Cup sa Davao City.
Sa ganap na alas-5:00 ng hapon itinakda ang laban sa University of Southeastern Philippines Gym ngunit magsisimula ang event sa ganap na alas-4:30 ng hapon kung saan magkakaroon ng kompetisyon na tatampukan ng local collegiate basketball talents sa Mindanao na three point shootout at slam dunk.
Kabilang sa mga kalahok sa nasabing side events ang mga manlalaro ng University of Mindanao (UM), John Paul II College of Davao (JPCD), Holy Cross College of Davao (HCDC), Jose Maria College (JMC) at San Pedro College (SPC).
Magsisilbing hurado naman para sa nasabing events sina Meraleo coach Norman Black at Rain or Shine coach Yeng Guiao.
Tatangkain ng Elasto Painters na dugtungan ang natamong 86-83 panalo laban sa Globalport noong nakaraang Miyerkules kung saan bumawi sa kanyang masamang free throw shooting si Jeff Chan para maisalba ang kanilang koponan at makamit ang ikaapat na tagumpay.
Dahil sa panalo, umangat sila sa ikaapat na puwesto, kasalo ang Talk 'N Text na siya namang nagpalasap ng huling kabiguan sa Meraleo Bolts noong nakaraang Martes sa Cuneta Astrodome sa iskor na 80-72.
Bagamat ang cluctch free throws ni Paul Lee ang siyang nagbigay sa kanila ng panalo, malaki ang naiambag ni Chan dito matapos iposte ang 11 sa kanyang kabuuang 16 puntos na output sa final period para tapatan ang matinding hamon ng Batang Pier.
Tatangkain naman ng Bolts na makabangon sa nasabing kabiguan sa kamay ng Tropang Texters na nagbaba sa kanila sa ikalimang puwesto sa team standings, isang panalo ang pagkakaiwan sa katunggaling Rain or Shine sa hawak nilang barahang 3-2 (panalo-talo).