NAGKAROON kami ng bagong officemate sa aming departamento sa korporasyong aking pinaglilingkuran. Sapagkat sa akin pinamahala ang naturang bagito, sinikap kong turuan siya ng mga pasikut-sikot ng aming operasyon. Ngunit medyo mabagal lang ito pumik-ap ng mga naituro ko na. Kasi naman, ang nasabi ko na, pinauulit niya sa akin kalaunan. Siguro, nagsisimula pa lang ito at naniniwala akong pagdating ng araw alam na nito ang kanyang gagawin nang walang superbisyon. Sa proseso, napapagod ako sa katuturo, na parang nauubusan na ako ng lakas at gusto ko nang sumuko. Ngunit kapag nakita kong ginagamit na niya ang kanyang natutuhan sa akin, nabubuhayan ako ng loob.

At nangyaring dumalo ako ng isang seminar tungkol sa pakikipag-ugnayan ng mga propesyonal sa isa’t isa. Tinalakay ng speaker ang pakikisama sa kapwa manggagawa, at kung paano huwag magpahalatang naiinis ka sa kanila. Gayunman, may natutuhan din naman ako. May tatlong uri ng pakikipagugnayan: isang nakapapagod, isang neutral, at isang nakapagbibigay-sigla.

Magugunita mo rin na dinanas ni Jesus ang tatlong uri ng pakikipagugnayan. Yaong nakaubos ng Kanyang lakas ay marahil pangkaraniwan na lang na naranasan ng ating Panginoon noong narito Siya sa daigdig, sapagkat maraming oras ang Kanyang ginugugol para sa pagbibigay. Pinagaling Niya ang mga may sakit, hinimok na magpatuloy ang mga bigo at pinahirapan, nangaral Siya sa mga sinagoga. Madalas ding nagtutungo Siya sa bundok upang manalangin sa ama. Siguro napagod din si Jesus sa mga pang-araw-araw na aktibidad na iyon. Siguro, ang ilan sa Kanyang mga pakikipagugnayan ay kaswal lamang, ngunit ang mga pangmatagalan ang tunay na nakapagbibigay-sigla kay Jesus. ang mga pakikipag-ugnayan Niya sa magkapatid na Marta at Maria, at Lazaro, na ang pagmamahal at presensiya ng mga ito ay nakapagpapasigla kay Jesus.

Paano tayo nakikipag-ugnayan sa ating mga kaopisina o katarabaho o kaibighan o sa mga miyembro ng ating pamilya? Makadadagdag sa ating kaligayan kung bibigyan natin sila ng pagkakataong makipag-ugnayan sa atin, ang bigyan sila ng pag-asa, at ipamulat sa kanila na masaya naman talaga ang buhay.
National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3