BAGAMAT hindi pa ganap na naipapatupad, ang pagkakaloob ng Philhealth sa lahat ng senior citizen ay isang higanteng hakbang tungo sa pangangalaga sa kalusugan ng anim na milyong nakatatandang mamamayan ng bansa. Totoo, marami na rin ang matagal nang nakikinabang sa pribelehiyong ito mula sa gobyerno, lalo na ang mga retirado na ngayon ay itinuturing nang lifetime member ng Philhealth. Subalit nakararami pa rin ang mga katandaan na ngayon ay tiyak nang mabibiyayaan ng naturang programa ng pamahalaan. Matagal nang inaasahan ng mga senior citizen ang ganitong tulong na lubhang kailangan sa aming pagpapaospital, lalo na ngayon na ang karamihan sa amin ay nasa takip-silim na ng buhay.

Malaki-laki na rin naman, kung sabagay, ang mga benepisyo na tinatamasa ng mga nakatatandang mamamayan, tulad ng 20 porsyentong diskuwento sa mga pangunahing pangangailangan. Malaking tulong ito sa pagbili ng mga gamot o maintenance medicine na dapat inumin habang nabubuhay. nakalulugod na pati sa mga restaurant at karinderya ay pinagkakalooban pa rin kami ng diskuwento; hindi naman ito nakabibigat sa mga may-ari ng establisimiyento sapagkat karamihan sa amin – sa pabirong paglalarawan – ay kumakain na lamang at hindi lumalamon.

May mga bayan at siyudad na rin naman na nagpapatupad ng free parking para sa mga senior citizen. Isa rin itong malaking kaginhawahan, bagama’t ang karamihan sa amin ay hindi na nakahahawak ng manibela. Kaakibat nito ang senior citizen lanes sa mga malls at iba pang tindahan.

Gayunman, bilang isa sa anim na milyong senior citizen, hindi marahil isang kalabisan na minsan pa ay maglambing sa ating mga mambabatas. Ang matagal nang isinusulong na pagtataas ng diskuwento – mula 20 percent upang maging 30 o 40 percent man lamang – ay tiyak na dobleng higanteng hakbang para sa aming mga pangangailangan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sana, ang isa pang lambing na ito ay madama namin habang kami ay nabubuhay pa.