Nanatiling walang talo sa apat na laro ang nagdedepensang kampeon na Hobe-JVS matapos na biguin ang Kawasaki Marikina, 79-80, sa pagpapatuloy ng 4th DELeague Invitational Basketball Tournament sa Marikina Sports Center sa Marikina City.
Lamang ng 15 puntos ang Kawasaki- Marikina, 55-40, may 3 minuto pa ang natitira sa third period, nang umpisahang umarangkada ang Hobe- JVC sa pangunguna nina Mike Warnest at Henry Fernandez.
Naagaw ng Hobe-JVC ang kalamangan, 67-66, sa dunk ni Warnest may 4:44 na lang ang nalalabi sa laro at hindi na ito muling lumingon pa.
Sinubukang humabol ng Kawasaki Marikina, sa pangunguna nina Kojak Melegrito at Ronald Roy, subalit kinapos ito hanggang sa mga huling sandali ng laban.
Nagtapos na may 22 puntos at 13 rebounds si Warnest at si Fernandez ay may 15 puntos at 4 rebounds para sa Hobe-JVC na nagkampeon sa ligang ito na itinataguyod ni Marikina Mayor Del De Guzman noong 2012 at 2013 season.
Si Melegrito ay umiskor ng 21 puntos at nagdagdag si Roy ng 17 puntos para sa Kawasaki-Marikina na nalaglag sa 1-3 kartada.
Tinambakan naman ng FEU-NRMF ang MBL Selection, 102-66, para sa ikatlo nilang sunod na panalo sa ligang sinusuportahan din ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, PS Bank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mckie’s Equipment Sales and Rental, at Tutor 911.
Nagbuslo ng tig-16 puntos sina Edwin Asoro at Aries Gumabay at nagambag ng 3 puntos, 7 rebounds at 8 shot blocks si Christian Senchu para sa FEUNRMF na nangunguna sa Group B.
Nahulog naman sa 0-5 baraha ang koponan ng mga dating mag-aaral ng Marist School na humugot ng 14 puntos at 11 rebounds kay Edward Olotun.