Pinagpapaliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI) ang apat na supermarket sa Quezon City matapos bigyan ng show cause order ng kagawaran dahil sa paglabag sa suggested retail price (SRP) sa mga produktong pang-Noche Buena.
Binigyan ng DTI ng limang araw para makapagpaliwanag ang Daily Supermarket, Mighty Mart, Purity Supermarket at Supermart 2000 sa Quezon City dahil sa pagpapataw ng mas mataas na presyo sa mga Noche Buena item.
Bukod dito, 10 pang supermarket at grocery store sa Pasig, San Juan, Caloocan, Valenzuela at Quezon City ang pinadalhan ng warning letter mula sa DTI at nanganganib na maisyuhan ng show cause order kapag nahuli na muling nagpatong ng hanggang 50 sentimos sa ibinebentang produkto.
Mahigpit na mino-monitor ang presyo ng mga bilihin lalo ngayong nalalapit ang Pasko kaya pinaigting ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ng DTI Consumer Protection Group (CPG) ang pag-iinspeksyon sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Natuklasang 14 mula sa 21 establisimiyento ang nagbebenta ng mga produktong mas mataas sa itinakdang SRP ng DTI.
Maaaring magsumbong o magreklamo ang publiko kaugnay ng overpriced na bilihin sa DTI Direct 751-3330 o 0917-8343330 at bisitahin ang DTI website para sa listahan ng SRP para sa Noche Buena items.