NOONG Miyerkules, sinabi ni Pangulong Aquino na umaasa siya na ang kanyang pakikipagpulong kay Chinese President Xi Jinping ay simula ng isang proseso ng pakikagkasundo ng mga magkakalapit na bansa. Nagkita ang dalawa sa isang tree planting ceremony bilang bahagi ng 2nd Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ meeting sa Beijing nitong linggo.

Sa loob ng sampung minutong pagsasama nila sa naturang seremonya, nagpahayag ng pag-asa ang Chinese leader na ang China at ang Pilipinas ay magbabalik sa dati nitong bilateral consensus at harapin ang mahahalagang pagtatalo sa paraang nakapagbibigay ng liwanag, ayon kay Pangulong Aquino. Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng oportunidad ang dalawang leader na makapagusap at sinabi pa ng Pangulo na “The warmth was there… there was sincerity”.

Ito ang unang nakapagbibigay pag-asang ulat na ating nabatid nitong huling mga buwan hinggil sa ugnayang Pilinas at China, partikular na ang kaugnayan sa kanilang pagtatalo sa Spratly islands sa West Philippine Sea at sa Baja de Masinloc na mas malapit sa atin na nasa Zambales. Inangkin na ng China ang halos lahat ng South China Sea, na may nine-dash line na nakapalibot sa malawak na lugar, kabilang ang mga bahura at maliliit na isla na malapit sa teritoryo ng Pilipinas. Ang pag-aangkin ding ito ng China ang nagbunsod ng pagtutol ng maraming bansa, lalo na ang Vietnam, Malaysia, at Brunei.

Nagsampa ng kaso ang Pilipinas sa United Nations Arbitral Tribunal na ibinase ang pag-angkin nito sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLoS) ngunit tumanggi ang China na lumahok sa paglilitis. gayunman, hindi nito mapipigil ang Tribunal na mag-isyu ng isang desisyon sa ilalim ng mga probisyon ng kumbensiyon.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ang problemang hinaharap ngayon ni Pangulong Aquino ay kung paano pagtatapatin ang legal na hakbang ng Pilipinas sa waring nakikipagkasundong asal na ipinakita ni Pangulong Xi Jinping. Inihain ng Pilipinas ang arbitration proceedings “to define what is legitimately ours, specifically maritime entitlements under the UNCLoS, with regards to our fishing rights, to resources, and our right to enforce our laws within our Exclusive Economic Zone,” sa mga salita ni Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario.

Hindi na natin mababawi ang habang na ito. Kailangang matuloy ito hanggang katapusan – isang desisyon mula sa Tribunal, mayroon man o walang partisipasyon ng pamahalaan ng China. Maaaring hindi natin maigiit ang ating karapatan kung magdedesisyon ang Tribunal na pabor sa atin, ngunit katanggap-tanggap ang desisyon sa mga bansang sangkot sa tunggalian upang maging malinaw ang malabong situwasyon.

Hindi nagpakita ang China ng anumang senyales na isusuko nito ang pag-aangkin sa ilalim ng nine-dash line, kabilang ang mga isla ng Spratlys na naging paksa ng UNCLoS case. Mainam pa ring malaman na sa loob ng sampung minutong pag-uusap nina Pangulong Aquino at Pangulong Xi ay nagawa nilang magpahayag ng mga salitang nakapagbibigay ng pag-asa na maaaring mag-uyok ng mas marami pang usapin na mauuwi sa bagong yugto ng mahigpit na relasyon ng dalawang bansa.