Ito marahil ay isang magandang regalo para sa mga airline passenger ngayong Pasko.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado na malaki na ang pinagbago sa rehabilitasyon ng mga airconditioner, palikuran at iba pang pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong mga nakaraang araw.
“Unti-unti nang napapalitan ang mga air handling unit (sa Terminal 1). Sa ngayon, napalitan na natin ang 50 porsiyento nito, na kalahati ng 34 unit. Sa dami ng mga trabahador, nakapagpapalit lamang kami mula apat hanggang limang unit,” pahayag ni Honrado.
Target ng MIAA na makumpleto ang pagkakabit ng mga bagong unit sa unang tatlong buwan ng 2015.
Bukod dito, papalitan din habang papalapit ang Pasko ang apat na chiller na mula US upang mapaganda ang temperatura sa loob ng terminal.
Inaasahan ding makukumpleto ang pagpapaganda ng anim mula sa 18 palikuran sa NAIA Terminal 2 at ito ay inaasahang makukumpleto sa Disyembre ngayong taon.
Aniya, nagpapatuloy ang repair work upang maibalik ang malamig na temperatura sa Level 3 at 4 ng NAIA Terminal 3.
Ang mga sira-sira at bulok na pasilidad ng NAIA ang naging ugat ng pagkakabansag nito bilang “one of the world’s worst airports” ng iba’t ibang travel survey.