Nina ELLSON A. QUISMORIO at LEONEL ABASOLA
Inamin kahapon ni Atty. Manuel Mejorada sa Senate Blue Ribbon Committee na wala siyang dokumento na magdidiin kay Senate President Franklin Drilon sa umano’y overpricing ng Iloilo Convention Center (ICC).
Isang dating provincial administrator ng Iloilo at kaalyado ni Drilon, iginiit ni Mejorada na siya ay isang investigative journalist na nakabuo ng paper trail na maguugnay sa lider ng Senado sa multi-milyong pisong anomalya sa konstruksiyon ng ICC.
“Nakalagay rin po sa Wikipedia based on published sources 6,400 square meters. IyoN po ang ginamit ko sa pag-compute and at P679 million to complete Phase 1 and 2, aabot po sa P106,226 per square meter po,” paliwanag ni Mejorada sa Senate Blue Ribbon Committee. Aniya, ang industry standard ay nagkakahalaga lamang ng P30,000 kada metriko kuwadrado.
Sa puntong ito napakamot ng ulo ang mga senador na kumuwestiyon sa paggamit ni Mejorada ng Wikipedia bilang ebidensiya sa kontrobersiyal na ICC, na kinukumpuni upang magamit sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa 2015, upang idiin si Drilon.
Iginiit ni Tourism Secretary Ramon Jimenez na hindi maaaring magamit ang Wikipedia sa ano mang imbestigasyon dahil ito ay madalas na binabago.
Sa kabila nito, ipinilit pa rin ni Mejorada na nagkaroon ng kutsabahan ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kasama si Drilon upang makapiga ng komisyon mula sa higanteng proyekto.
Samantala, nanindigan si Drilon na walang siyang itinatago sa pagpapatayo ng ICC.