Mga laro ngayon (Araneta Coliseum):
4:15pm -- Alaska vs. Blackwater
7pm -- NLEX vs. Purefoods
Mapanatili ang kanilang malinis na kartada na magpapatatag ng kanilang pagkakaluklok sa solong pamumuno ang tatangkain ng Alaska sa kanilang pagsabak kontra baguhang Blackwater Sports sa pagtatagpo ng mga koponang nasa ulo at buntot ng team standings ng 2015 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
May hawak na magkabaligtarang baraha ang Aces na siyang nangunguna ngayon sa liga sa hawak na malinis na barahang 5-0 at ang Elite na siya namang nasa ilalim matapos dumanas ng liamng sunod na pagkatalo.
Huling ginapi ng Aces sa pangunguna ng dating NCAA standout buhat sa San Sebastian College na si Calvin Abueva ang baguhang Kia Sorento habang nalasap naman ng Elite ang ikalimang pagkabigo sa kamay ng Globalport noong Nobyembre 9.
Muling nagtala ng 20-20 performance ang isa sa miyembro ng dating sikat na Pinatubo trio ng Stags makaraang magposte ng 23 puntos at 21 rebounds upang giyahan ang Aces sa 85-75 na paggabi sa Kia Sorento.
Ayon kay Aces coach Alex Compton, hindi nila target ang manatiling “unbeaten” kundi ang mapaangat ang kanilang performance sa mga susunod pa nilang laro upang makamit ang asam na kampeonato.
“San Mig nga dati 1-5 ‘ata nagstart pero nag-champion pa rin. So the goal is not to be undefeated, but the goal is to get better and win the championship,” pahayag ni Compton.
Sa kanilang dako, muli na namang maghahangad ang Elite ng napakailap na unang tagumpay sa kanilang unang pagsali sa pro ranks makaraang ang unang limang sunod na kabiguan.
Magtatagpo ang dalawang koponan ganap na alas-4:15 ng hapon na agad namang susundan ng tampok na laro sa pagitan ng NLEX at defending champion ngunit patuloy pa ring nangangapang Purefoods sa ika-7 ng gabi.
Kasalukuyang magkabuntot sa ikapito at ika-walong posisyon sa team standings ang Road Warriors at ang Star Hotshots kung saan angat ng isang panalo ng una sa hawak nitong barahang 2-3, panalo-talo.
Matapos ang malaking panalo kontra Barangay Ginebra, sumadsad sa dalawang dikit na talo ang Road Warriors sa kamay ng Meralco at pinakahuli sa San Miguel Beer noong nakalipas na Sabado sa Tubod,Lanao del Norte sa iskor na 76-79.
Kasunod naman ng unang panalo na kanilang natikman kontra Globalport, buamgsak muli ang Hotshots at inilampaso ng Kings sa huli nilang laban noong Nobyembre 9 sa iskor na 66-89 sa Big Dome.
Ayon kay Purefoods star James Yap, kinakailangan lamang nilang manatiling naniniwala at gawin ang nakasanayan nilang sistema na naghatid sa kanila noong nakaraang season sa makasaysayang grandslam upang unti-unting makabangon sa kabila ng mga kinakaharap nilang suliranin partikular ang pagkapilay ng kanilang roster.