HINDI matukoy ng mga dalubhasa ang kakaibang kondisyon ng 12-anyos na lalaki na si Landon Jones. Hindi nakararamdam ng gutom uhaw ang binatilyo mula sa Iowa sa Amerika.

Napansin ni Landon, ng Cedar Falls, Iowa, na may mali sa kanyang pakiramdam nang gumising siya noong Oktubre 14, 2013 na nahihilo at naninikip ang dibdib. Batay sa resulta ng chest X-ray, mayroon siyang bacterial infection sa kaliwang baga, na nagamot din agad.

Ngunit simula noon, ayon sa The Des Moines Register, hindi na nagutom o nauhaw si Landon, bagamat normal pa rin niyang nalalasahan at naaamoy ang mga pagkain. Mula sa 104 lbs. (47 kilograms) ay bumagsak ang timbang ni Landon sa 68.4 lbs. (31kg), at sinabi ng kanyang mga magulang na kinakailangan na lagi nilang paalalahanan ang anak na kumain at uminom.

Sumailalim sa mga pagsusuri at ilang beses na kumonsulta sa doktor si Landon sa limang siyudad upang malaman kung ano ang sanhi ng kanyang misteryosong pakiramdam. Sumailalim ang binatilyo sa spinal tap, brain scans, abdominal imaging at nutritional at psychiatric evaluations, ngunit bigo ang mga ito na matukoy ang problema.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

“This is exceedingly unusual. I’ve never heard of a case like this,” ayon kay Ashesh Mehta, neurologist sa North Shore-LIJ Comprehensive Epilepsy Care Center sa Great Neck, New York.

ANG GUTOM AT UHAW SA UTAK

Ang gutom at uhaw ay bahagi ng mas malaking circuit na sa iba’t ibang antas ay kinokontrol ng utak, paliwanag ni Mehta sa Live Science.

Sinabi ni Dr. Marc Patterson, pediatric neurologist sa Mayo Clinic sa Rochester, Minnesota at isa sa mga sumusuri kay Landon, sa Register na posibleng may problema sa hypothalamus ng pasyente. Ito ang maliit, pea-size region sa ilalim ng utak na nagkokontrol sa gutom, uhaw, temperatura ng katawan, pagtulog at iba pang vital functions.

“It makes sense that the two go hand in hand, because hunger and thirst are both controlled by the hypothalamus,” pahayag ni Dr. Caroline Messer, endocrinologist ng Lenox Hill Hospital sa New York City. - LiveScience.com