Nababahala na ang mga endocrinologist at dalubhasa dahil mabilis ang pagdami ng mga Pinoy na may diabetes.
Sa lingguhang Fernandina Forum sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City, tinaya ni Dr. Maria Princess Landicho Kanapi, ng Philippine Society of Endocrinology, na isa kada 10 Pinoy ang diabetic pagdating ang 2035 kapag hindi naagapan ang mabilis na pagdami nito kung saan nasa 6.7 porsiyento sa kasalukuyan.
Aniya, nasa 3.2 milyong Pinoy ang kumpirmadong diabetic at hindi pa kasama rito ang mga hindi nagpapatingin sa doktor.
“Marami sa atin ang hindi alam na diabetic na pala dahil hindi pa nagpakonsulta sa doktor,” pahayag ni Kanapi, kasabay ng paggunita ng National Diabetes Month.
Ayon kay Kanapi, madalas hindi napapansin ang mga sintomas nito tulad ng madalas na pag-ihi, pagkaramdam ng uhaw, mabigat na timbang at hindi naghihilom na sugat. Saka pa lamang lumalapit sa doktor ang pasyente kapag malala na.
Dahil dito, hinimok ng endocrinologist ang ating kababayan na mag-eherhisyo at kumain ng tama, kung saan iwasan ang sobrang tamis, taba at maalat.
Binanggit ni Kanapi na abot sa 382 milyon katao ang mayroong diabetes sa buong mundo, kung saan 138 milyon ang nasa Western Pacific, kabilang ang Pilipinas, at pinangangambahang lolobo ito sa 592 milyon sa 2035.
Ipagdiriwang ng National Diabetes Month ngayong Nobyembre.