Hanggang ngayon, hindi ko makita ang positibong pagtanggap ng mga maninigarilyo sa Graphic Health Warning Law (GHW). Inaasahan ng marami na ang naturang batas ay makatutulong sana nang malaki upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga nahirati na sa paghithit ng nakalalasong usok ng sigarilyo.

Ang naturang batas ay mahigpit na nag-uutos sa mga tobacco producer na mag-imprenta ng nakakikilabot na mga larawan sa pakete ng mga sigarilyo; katulad ng may sugat na bibig, lasug-lasog na baga o lungs, nakaratay dahil sa kanser, at ng mga musmos na nakasisinghot ng second-hand smoke, at iba pa. Sinasabing ang mga ito ay tiyak na makapagpapatigil sa paninigarilyo ng mga sugapa sa naturang bisyo. Sa gayon, maililigtas sa tiyak na malubhang karamdaman ang marami nating mga kababayan.

Subalit sa kabila ng pag-iral ng nasabing batas, kapuna-puna na tila hindi nababawasan ang nagugumon sa paninigarilyo. Isinasaad sa mga ulat na ang GHW na pinairal din sa ibang bansa na tulad ng Thailand ay sinuportahan ng mismong mga sugapa sa paninigarilyo.

Ang kampanya laban sa paninigarilyo ay walang pinag-iba sa kilusan laban sa mga bawal na gamot o shabu, pagsusugal, at iba pang bisyo. Sa kabila ng pagbitay sa isang drug lord maraming taon na ang nakalilipas, hindi pa rin halos nababawasan ang mga nalululong sa bawal na droga. Maging ang iba’t ibang uri ng illegal numbers game, tulad ng huweteng, ay patuloy pa rin sa pamamayagpag.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang mahigpit na pagbabawal sa pagpapaputok ng malalakas na firecrackers kung Bagong Taon ay hindi man lamang pinapansin ng ating mga kababayan; kahit na ang gayong gawain ay malimit na nagiging dahilan ng pagkawasak ng mukha, pagkalapnos ng katawan, at pagkaputol ng mga daliri.

Naalala kong bigla ang aking matalik na kaibigan nang tangkain kong pahintuin siya sa pagiging chain smoker. Lagi niyang sinasabi: Hindi ko ikamamatay ang paninigarilyo. Tama siya, yumao siya sa pagbagsak ng eroplano. Naniniwala ako na tanging ang mga sugapa lamang sa anumang bisyo ang makapagpapatigil sa kanilang sarili.