Mga laro ngayon: (Marikina Sports Center)

7 p.m.  FEU-NRMF vs MBL Selection

8:30 p.m. Hobe-JVS vs Kawasaki-Marikina

Tinambakan ng Sta. Lucia Land Inc. ang Uratex Foam, 96-73, at pinataob ng Supremo Lex Builders-OLFU ang Philippine National Police, 89-71, sa pagpapatuloy ng 4th DELeague Invitational Basketball Tournament noong Martes ng gabi sa Marikina Sports Center sa Marikina City.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Gumawa ng 15 puntos, 4 rebounds at 4 assists si Billy Robles at nagdagdag naman ng 11 puntos at tatlong mahalagang steals si Jeff Vidal para pangunahan ang Sta. Lucia sa ikatlo nilang panalo sa apat na laro sa Group A.

Nalaglag naman sa 1-2 kartada ang Uratex na pinangunahan ni Rey Publico na may 17 puntos at 8 rebounds.

Umigting naman ang paghahabol ng Supremo para sa semifinals slot ng ligang itinataguyod ni Marikina Mayor Del De Guzman at sinusuportahan ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, PS Bank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mckie’s Equipment Sales and Rental, at Tutor 911.

Ito ay matapos na makuha ng koponang binubuo ng mga manlalaro ng Our Lady of Fatima University ang ikatlo nilang panalo sa limang mga laro.

Nasa pangatlong puwesto ngayon ang Supremo sa likod ng nangungunang Hobe Bihon-JVC na wala pang talo at Sta. Lucia sa Group A.

Umiskor ng 13 puntos si Greb Villalon at may tig-12 puntos naman sina Adrian Gallardo at Allen Cruz para sa Supremo.

Hindi pa nakalalasap ng panalo ang PNP na pinamunuan ni Jaymar Misola na gumawa ng 14 puntos at 6 rebounds.

Para sa resulta ng mga laro, maaring bisitahin ang www.sports29.com o ang facebook page ng DELeague. 

Magpapatuloy ang liga ngayong gabi kung saan ay magtatapat ang FEU-NRMF at MBL Selection sa ganap na alas-7:00 ng gabi at maglalaban ang  Hobe-JVS vs Kawasaki-Marikina dakong alas-8:30. Mabibili ang tiket sa halagang P10 lamang.