NAKAKAGULAT dahil hindi namin ini-expect na marami na rin palang fans ang cast ng Relaks, It’s Just Pag-Ibig na sina Iñigo Pascual, Sofia Andres, Ericka Villongco, at Julian Estrada. Simula pagpasok nila sa SM Megamall ay dinig na dinig na namin ang hiyawan ng fans habang kumakain kami sa El Pollo Loco noong Martes ng gabi.
Sinadya naming hindi muna pumasok sa Cinema 7, venue ng premiere night, para masaksikhan namin ang response ng tao sa tatlong bagets.
Bagamat maganda ang trailer ng Relaks, It’s Just Pag-Ibig ay hindi kami masyadong nag-expect dahil pawang baguhan ang mga bida at dalawang direktor.
Pero nagulat kami dahil marunong palang umarte ang tatlong bagets at maayos naman ang direksiyon. At parehong malakas ang dating nina Iñigo at Julian sa
screen.
May charm si Iñigo lalo na kapag ngumingiti at tumatawa, saktong boy next door ang dating, kaya kuwidaw sa mga bagets sa Star Magic dahil may bago kayong makakalaban sa kasikatan.
Bukod dito ay likas na marunong umarte si Iñigo, mahusay kumanta na hindi ginagamot sa recording ang boses, marunong tumugtog ng gitara at bagamat hindi ipinakita sa movie ay alam naming nakakasayaw din siya, at higit sa lahat ay magaling magsalita, may self-confidence at marunong pumorma. Medyo agawpansin lang ang makapal na kilay ng batang aktor.
Type naman namin ang pagkamaangas ni Julian lalo na kapag tumingin, kuhang-kuha niya ang ‘Jinggoy Look’ ng tatay niya at marunong ding umarte. Nadi-distract lang kami sa buhok niya na parang ang sarap gupitan. Tama lang na si Sofia ang leading lady ng dalawa dahil fresh looking at okay ding umarte, promising siya maski na hindi masyadong maganda sa screen, hindi naman nakakasawa ang beauty niya.
Aliw na aliw kami kay Ericka na sabi nga ng katabi namin ay hindi na umaarte dahil siyang-siya raw ang papel niya bilang clingy girlfriend ni Iñigo na nuknukan ng arte at nakakatuwa ang kanyang kolehiyala English. Feeling namin ay hindi magiging lead actress ang alagang ito ng Cornerstone pero bagay siyang maging komedyana. Ilang eksena lang si Alessandra de Rossi pero markado kaya hinahanap namin nang biglang maglaho na sa pelikula.
May cameo role si Piolo Pascual bilang Elias na hindi sinipot ni Salome, ang babaeng pinakamamahal niya, sa kabilugan ng buwan.
Pangbagets feel-good movie ang Relaks, It’s Just Pag-Ibig at super enjoy naman ang mga nanood kaya hindi na namin ito hahanapan ng mabigat na istorya at acting. kaya keri na at marahil ito rin ang nagustuhan ng Cinema Evaluation Board dahil binigyan nila ng rated A ang pelikula ng Spring Films na idinirek nina Antoinette Jadaone at Irene Villamor.
Samantala, dumating si Manila Mayor Joseph Estrada para suportahan ang apong si Julian na very proud sa magandang performance ng apo. Dumalo rin si Piolo na proud na proud din sa kanyang unico hijo.