Ni KRIS BAYOS

Hiniling ng mga operator at concessionaire ng Manila-Cavite Expressway (Cavitex), South Luzon Expressway (SLEX), North Luzon Expressway (NLEX) at Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Toll sa gobyerno na pahintulutan silang makapagtaas ng toll fee sa Enero 2015.

Kinumpirma noong Martes ni Toll Regulatory Board (TRB) Spokesperson Julius Corpuz na natanggap ng ahensiya ang patunay ng magkakahiwalay na petisyon para sa taas-singil na inihain ng Manila North Tollway Corp. (MNTC), Cavitex Infrastructure Corp. (CIC), South Luzon Tollway Corp./Manila Toll Expressway Systems Inc. (SLTC-MATES) at STAR Infrastructure Development Corp. (SIDC).

Sinabi ni Corpuz na humihiling ang MNTC ng average na 15 porsiyentong toll increase sa NLEX, 25 porsiyento ang iginigiit na dagdag-singil ng CIC para sa MIAA Road hanggang sa bahagi ng Cavitex sa Zapote, ang SLTC-MATES ay naghahangad ng 33-porsiyentong taas-singil para sa SLEX toll rate mula Alabang hanggang Sto. Tomas sa Batangas, habang umaapela naman ang SIDC ng 16 porsiyentong toll hike para sa STAR Toll.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Base sa kanilang petisyon, nais ng mga toll way operator at concessionaire na magpatupad ng toll fee hike sa Enero, ngunit inamin ni Corpuz na imposibleng maresolba ng TRB ang mga petisyon bago sumapit ang Enero 1.

“Based on the procedure, public hearing of the petition can only commence after the 90 day period following the publication of the petition in a newspaper of nationwide circulation,” aniya.

“After the conduct of public hearing, review and resolution of the petition, the operators and concessionaires—supposing the TRB allows an increase—will still need to publish the approved rates for three consecutive weeks before finally implementing the adjustment,” dagdag ni Corpuz.

Kasabay nito, tiniyak ni Corpuz sa publiko na masusing pag-aaralan ng TRB ang nasabing mga petisyon para sa pagtataas ng toll fee, at kailangang mapatunayan ng mga toll operator at concessionaire na karapat-dapat ang nasabing taas-singil.

Bukod sa NLEX, Cavitex, SLEX at STAR Toll, may nakabimbin ding toll hike petition ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) sa TRB.