Hindi tamang balewalain na lang ng publiko ang malaking kontribusyon ng pribadong sektor sa konstruksiyon at rehabilitasyon ng maraming silid-aralan sa mga lugar na sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ sa Eastern Visayas.

Ito ang binigyang-diin ni Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian matapos niyang purihin ang mga pribadong kumpanya, mga foundation, mga lokal at pandaigdigang non-government organization at mga indibiduwal dahil sa agarang pagtugon at hindi matatawarang ambag ng mga ito sa rehabilitasyon ng gobyerno.

Batay sa mga datos mula sa Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (OPARR), sinabi ni Gatchalian na may 375 permanenteng silid-aralan ang ipinatayo o ginagawa sa tulong ng pribadong sektor.

Ang mga pribadong grupo at indibiduwal din ang nasa likod ng pagkukumpuni sa 444 na silid-aralang winasak ng Yolanda.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa OPARR, ang mga pampublikong istruktura na sinagot ng pribadong sektor ay kinabibilangan ng 19,648 silid-aralan at 28 gusaling pampaaralan na inaasahang matatapos lahat sa 2016.

Nagbabala rin si Gatchalian, senior member ng House Committee on Basic Education and Culture, na kung magtatagal ang pagpapatayo o pagkukumpuni sa mga silid-aralan ay mas malaki ang panganib na tuluyan nang tumigil sa pag-aaral ang mga bata at dumami pa lalo ang mahihirap.

Batay sa report ng children’s rights organization na Save the Children noong Pebrero, nagtala ang Eastern Visayas ng walong porsiyentong pre-disaster school leaver rate sa pampubliko at pribadong paaralang elementarya, mas mataas sa 2.9-porsiyentong national average.

Nasa 3,000 silid-aralan sa mga pampublikong eskuwelahan ang nawasak ng Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 at wala pang limang porsiyento ng mga ito ang nakumpuni, habang limang porsiyento ng mahigit 17,000 napinsalang silid-aralan ang nakumpuni, iniulat ng Department of Education (DepEd).- Ben R. Rosario