Dapat asahan ng mga motorista na mababawasan ang mga “Christmas lane” ngayong holiday season, at inaasahan ang pagsisikip ng trapiko sa maraming lansangan ng Metro Manila.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na babaguhin nila ang mga Christmas lane upang mas epektibong makaiwas ang mga motorista sa pagbibigat ng trapiko.
Ito ay dahil sa maraming lansangan ang sumasailalim din sa rehabilitasyon habang ang iba ay puno pa rin ng mga road obstruction.
“Pag-aaralan natin kung babaguhin ang mga Christmas lane ngayong linggo,” pahayag ni Tolentino.
Nagpahayag ng paniniwala ang MMDA chief na lalong magsisikip ang trapiko sa mga susunod na linggo bunsod ng pagdami ng mga shopper na dadagsa sa mga pamilihan at shopping mall bilang paghahanda sa Pasko.
Sa nakalipas na mga taon ay sinimulan ng MMDA na magbukas ng mga Christmas lane o alternatibong daanan ng mga motorista na nais na makaiwas sa trapiko sa Metro Manila.
Sa kabila nito, tiniyak ni Tolentino na tututukan ng ahensiya ang mga kalsadang kinukumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matiyak na hindi naapektuhan ang daloy ng mga sasakyan. - Anna Liza Villas-Alavaren