Umani ng matinding papuri sa social media ang isang traffic aide ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naging viral ang larawan habang nagtitinda ng bibingka bilang kanyang sideline.
Maraming netizen ang bumilib sa litrato ni Fernando Gonzales, 51, MMDA traffic manager 3, habang may bitbit na bayong at nagbebenta ng bibingka sa mga motorista na dumaraan sa National Irrigation Administration (NIA) Complex sa EDSA, Diliman, Quezon City.
Sakay ng kanyang scooter habang nangangalakal, maraming netizen ang humanga sa pagiging magalang at simple ni Gonzales sa mga motoristang inaalok niya ng bibingka.
Aniya, ang katakam-takam na merienda ay luto ng kanyang maybahay at nagtitinda lang si Gonzales tuwing Sabado at Linggo, na kanyang day-off.
Nang ipatawag ni MMDA Chairman Francis Tolentino, agad na kinabahan si Gonzales sa akalang sasabunin siya ng opisyal dahil sa kapalpakan. Subalit nang makaharap si Tolentino ay umani siya ng papuri mula sa opisyal dahil sa kanyang abilidad upang mabuhay ang kanyang pamilya—asawa at dalawang binatilyong anak—sa malinis na paraan.
Inendorso rin ni Tolentino na ma-promote si Gonzales na 24 taon nang nagtatrabaho sa MMDA. - Anna Liza Villas-Alavaren