Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

4:15 p.m. Globalport vs. Rain or Shine

7 p.m. Ginebra vs. Barako Bull

Makapagsolo sa ikalawang puwesto at mapaghandaan ang nalalapit na pagtatapat nila ng San Miguel Beer ang tatangkain ng crowd favorite squad Barangay Ginebra San Miguel sa kanilang pagtutuos ngayon ng Barako Bull sa pagpapatuloy ng 2014-15 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasalukuyang nasa ikalawang posisyon ang Kings na hawak ang barahang 4-1 kasalo ang Beermen kung saan ay nasa likuran sila ng namumunong Alaska na kasalukuyang lumalaban sa baguhang Kia Sorento sa Cuneta Astrodome habang isinasara ang pahinang ito.

Hangad ng Kings na madugtungan ang naitalang back-to-back wins laban sa Blackwater Elite at defending champion Purefoods Star Hotshots bilang paghahanda na rin sa inaasahan nilang isa na namang mabigat na salpukan kontra sa Beermen sa darating na Nobyembre 16.

Inspirado mula sa unang panalo kontra sa dati niyang mentor na si Tim Cone, inaasahang mas lalo pang pag-iibayuhin ni Ginebra coach Jeffrey Cariaso ang kanyang trabaho upang matulungang matighaw ang pagkauhaw ng Kings sa titulo.

Inaasahan din niya ang patuloy na pakikiisa ng kanyang mga manlalaro, partikular sa patuloy na adjustment na kanilang ginagawa sa kanyang sistema at sa itinururo niyang “triangle offense”.

Gaya ng dati, sasandigan ni Cariaso ang kanyang twin tower na sina Japeth Aguilar at Greg Slaughter, kasama ang iba pang mga beterano sa team na sina Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Joseph Yeo, Billy Mamaril at team skipper LA Tenorio.

Sa panig naman ng kanilang katunggali, tiyak na maghahabol ang Energy Cola na makapagtala ng unang panalo matapos ang nalasap na unang apat na pagkatalo, ang pinakahuli ay sa kamay ng Rain or Shine, 71-99, noong Biyernes.

Una rito, gaya ng Kings, ikatlong sunod na panalo ang hangad naman ng Globalport sa ilalim ni coach Pido Jarencio sa pagtutuos nila ng Rain or Shine na target naman ang ikalawang dikit na panalo kasunod ng tagumpay kontra sa Barako.

Magkasalo sa ngayon ang dalawang koponan sa ikatlong posisyon na hawak ang barahang 3-2, kapantay ang Talk ‘N Text na may laban naman kontra sa Meralco kahapon sa Cuneta Astrodome.

Inaasahan ni Jarencio na magtutuluy-tuloy na ang kanilang pag-angat lalo pa ngayon na kumpleto na ang kanyang line-up.

“Nandito na ang right personnel, ‘yung mga player, kaya siguro wala naman kaming pupuntahan kundi pataas, kasi galing kami sa ilalim, kaya all-out na lahat,” pahayag ni Jarencio.