Sa isang eksenang mistulang pagsikil ng kalayaan sa pamamahayag, hindi napigilan ng ating mga kapatid sa media sa Davao City ang pagngingitngit sa mga nagtaguyod ng Philippine Development Forum (PDF). Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines – Davao Chapter, tahasang inilarawan na ang naturang pangyayari ay isang kawalan ng paggalang ng Office of the President na anyayahan ang media upang hiyain lamang at pagbawalang makapasok sa naturang makatuturang pagpupulong. Makabuluhan, sapagkat mismong si Presidente Aquino ang keynote speaker sa dalawang araw na PDF forum kamakailan.

Maliban kung ang PDF forum ay may kaugnayan sa pambansang seguridad o national security, may dahilan ang mga organizer nito – Department of Finance (DOF), Presidential Security Group (PSG) at ang Davao City Police – upang pagbawalan ang media sa pagpasok sa pagpupulong. Sinasabing sila ay mistulang ipinagtabuyan sa kabila ng pagkakaroon nila ng ID mula sa Philippine Information Agency (PIA – 11).

Sa malaking pagkamangha ng NUJP, naitanong nila: Bakit pinayagan ang Malacañang Press Corps, kahit na naatraso ng dating, upang makapasok sa pagpupulong? Hindi ba ito isang malaking diskriminasyon, lalo na kung iisipin na nais din nilang mangalap ng makabuluhang balita na dapat malaman ng mga mamamayan?

Bigla kong naalala, bilang isnag masugid na tagapagtanggol ng press freedom, noong panahon ni Presidente Ramos. Wala akong natandaang pagkakataon na pinagbawalan ang mga mamamahayag sa pangangalap ng balita sa loob at maging sa labas ng Malacañang. Katunayan, walang tinatanggihang peryodista sa mga press conference na ang Pangulo ang mismong sumasagot sa mga tanong. Maging sa mga ambush interview, ang Pangulo ay malugod na nakakapanayam, lalo na sa mga lalawigan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang nabanggit na mga eksena ay lalong magpapatindi sa panawagan na isabatas na ang Freedom of Information (FOI) Bill na laging ipinangangalandakan ni Presidente Aquino nang siya ay nangangampanya pa sa panguluhan. Isang paraan ito upang mapawi ang pagngingitngit ng taumbayan kapag niyuyurakan ang press freedom.