Masasabing pinakamahaba at pinakamahalaga ang paggunita sa mga patay ang isinagawa sa taong ito dahil una, tumagal ito ng lampas sa nakagawiang dalawang araw at pangalawa, binigyang-diin nito ang pagdurusa ng mga nakaligtas sa bagyong Yolanda, na tumama sa Gitnang Kabisayaan noong Nobyembre 8, 2013. Ang naturang bagyo ang kinikilala bilang pinakamalakas sa buong mundo, at para sa Pilipinas ay pinaka-mapaminsala kung ang bilang ng namatay ang pagbabatayan. Napalalaking halaga ang gugugulin para makumpuni o mapalitan ang mga nasirang imprastraktura at mga pasilidad, at para maibangon ang ekonomiya ng rehiyon.
Pinagtibay na ng pamahalaan ang tinatawag nacomprehensive rehabilitation and recovery plan, na naglalaan ng P170.7 bilyon sa pagpapatupad nito. Bukod dito, maraming mga bansa, mga ahensiyang pandaigdig at pribadong sektor sa Pilipinas at sa ibayong dagat, ang nagbigay ng tulong at ang iba ay nangakong patuloy na tutulong sa rehabilitasyon. Mahalaga ang programang ito, nguni’t sa aking pananaw, mahalaga rin na pagtuunan ng pansin ang kalusugan ng isip ng mga nakaligtas. Maaaring bumalik sa pag-aaral ang mga kabataan, at ang mga magulang sa paghahanapbuhay, nguni’t hindi maitatatwa na bawa’t isang nawalan ng mahal sa buhay ay patuloy na nagdurusa sa kanyang sarili dala ng pangungulila at ng trauma na kanyang naranasan.
Habang pinagmamasdan ko sa telebisyon ang mga mukha ng mga kinakapanayam para sa mga ulat, kapansin-pansin ang sakit ng damdamin ng mga naulila, kahit isang taon na ang nakararaan mula nang manalanta ang bagyong Yolanda. Ayon sa mga kamag-anak ng dalawang naulilang magkapatid, kapwa nawalan ng sigla ang dalawa, at tila naglaho ang kasiglahan na karaniwan sa mga kabataan. Hindi ito pambihirang mga kaso. Sa aking pananaw, ang human side ay dapat maging palagiang bahagi ng programa sa rehabilitasyon, dahil ang Pilipinas ay dinadalaw ng 20 bagyo taon-taon.
Dalawa sa mga ito ang kumitil ng maraming tao sa nakaraang ilang taon. Noong Disyembre 2011, 957 ang namatay at 49 ang hindi na natagpuan nang tumama ang bagyong Sendong sa Mindanao. Nang sumunod na taon, noong Disyembre 2012, mahigit 1,000 ang namatay dahil sa bagyong Pablo.