Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa ilang dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang isang tao. May nakapagsabi: “Kung hindi mo magawa nang maayos, kahit paano gawin mong parang maayos.”
Marami sa atin ang magaling gumawa ng dahilan at maghanap ng lohika sa kung ano ang kanilang magagawa at hindi. Idinadahilan nila na sila ay nagiging praktikal lamang. Kapos sila sa imahinasyon at laging nakahahanap ng paraan upang bigyan ng katarungan kung bakit hindi nila dapat ginagawa ng isang bagay at ni hindi nila sinusubukan man lang gawin iyon. Ang pinakamainam na remedyo para raito ay ang pigilan ang iyong isip kapag nagsimula na itong gumawa ng dahilan. Muli mo lang paningasin ang iyong hilig at magsimulang muli.
- Mahilig magpaliban. - Ang nakakatawa rito, sila pa ang umaaming tinatamad sila. Hindi sila nahihiyang sabihin iyon. Hindi nila nauunawaan ang kahalagahan ng oras. Okay na sa kanila ang mamuhay na sumasabay sa kahapon. Nabubuhay sila na parang may nakalagak silang isa pang buhay sa bangko. Tingnan lang natin kapag pumalpak na sila sa buhay, mayroon bang ‘next’ silang mapipindot, o ‘rewind’ o ‘pause’? Kapag nauunawaan mo na nagsisimula na ang iyong kamatayan sa sandaling isilang ka, at iyong mabatid na ang bawat araw ay handog, gagawin mo ang lahat upang masulit ang 24 oras sa isang araw sapagkat hindi mo alam ang mangyayari sa iyo sa susunod na mga araw.
- Hindi sila kumikilos. – Sa liriko ng isang awitin ni Ginoong Basil Valdez, magugunita natin: “Ituring mong kahapo’y wari’y panaginip lang; ang bukas pangitain, ang ganda’y sa isip lang. Kung ang bawat ngayon mo sa’yo ay laging sulit lang, kayganda ng buhay, bukas mo’y matibay, dahil ang sandiga’y ngayon.”