SA halip na awa, panghihinawa ang naramdaman ng TV reporters kay Maegan Aguilar.
Iba-iba ang komento na narinig namin sa TV reporters tungkol sa nangyari kay Meagan na binugbog ng kanyang live-in partner nang tangkain niyang makipaghiwalay.
Ang positibo, “Kawawa naman si Meagan, kasi naman matagal nang pinahihiwalayan sa kanya ng tiyahin (Marlene Aguilar), ayaw niya, hayan umabot pa sa bugbugan.”
Mas marami ang hindi magandang sinabi tungkol sa anak ni Ka Freddie Aguilar.
“Kung hindi pa natatanggal ang neck-brace niya katulad ng kay GMA (Gloria Macapagal-Arroyo), puwedeng interbyuhin ko pa siya, para mas lalong makuha niya ang simpatiya ng tao, eh, wala na,” katwiran ng matapang na TV reporter.
“Sa unang post ng kaibigan niya (Meagan), naka-neck-brace, parang baliko ang braso, eh, nang mapanood namin sa Bandila kagabi (Lunes ng gabi), hayun, normal na at pailing-iling na,” kuwento naman ng veteran news reporter.
Dito kami nagtaka dahil hindi raw pinatulan ng news department ng kilalang network, “na-bump off ang interview ko, hindi ko alam, eh.”
Malungkot na sabi pa raw ni Meagan off-camera, kung kailan magbi-birthday ang anak niya ay saka naman nangyari ang gulo sa kanilang pamilya.
Marami rin ang nagtaka na noong unang makausap ng media si Meagan ilang buwan ang nakaraan nang mag-away sila ng tatay niyang si Ka Freddie dahil hindi pabor ang anak sa bagong asawa ng ama ay napansing maganda pa ang itsura ng singer, pero nitong huling panayam sa kanya ay humpak na raw ang mukha niya.
Higit na ikinatataka ng lahat kung bakit ayaw idemanda ni Meagan ang live-in partner niya sa ginawa nitong pananakit sa kanya, “so gimik ba o planong balikan pa,” hirit ng matapang na TV reporter.