Kumpiyansa ang Palasyo na malakas ang forfeiture case na inihain sa Sandiganbayan laban kay dating Chief Justice Renato Corona at sa kanyang maybahay na si Cristina.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi dapat ituring na panggigipit lang ng gobyerno ang paghahain ng P130-milyon kaso laban sa mag-asawa dahil ito ay base sa ebidensiyang nakalap ng awtoridad.

Ito ay bilang reaksiyon sa paghahain ng kampo ni Corona sa anti-graft court ng mosyon upang ibasura ang forfeiture case dahil, aniya, ang bank account at ari-arian nilang mag-asawa ay nakuha sa lehitimong paraan.

Iginiit din ng mag-asawang Corona na ginigipit lang sila ng gobyerno sa pagkukunwari na ang paghahain ng forfeiture case ay bahagi ng kampanya ng gobyerno laban sa korupsiyon.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Ayon kay Valte, ilang ulit nang inakusahan ni Corona ang gobyerno ng panggigipit bagamat ito, aniya, ay walang basehan.

Sinabi pa ni Valte na dapat na hayaan na lang ang anti-graft court na magdesisyon sa isyu laban sa mga Corona.

“Under the forfeiture law, there is a presumption that anything over and above your legal income as a public servant is automatic, is presumed to be ill gotten,” pahayag ni Valte. - Genalyn D. Kabiling