KUMPIRMADO na wala nang season three ang Face The People at ang kasalukuyang napapanood ngayon sa TV5 ay pawang replay na. Ito ang sinabi sa amin ni Gelli de Belen, isa sa hosts ng show, nang makatsikahan namin sa isang kainan.
Nanghihinayang si Gelli dahil marami palang followings sa ibang bansa ang Face The People.
“Last October kasi nagpunta kami (pamilya niya) ng Seoul, Korea ‘tapos every Sunday pala roon, may isang mahabang street na tiangge at nakakatuwa kasi puro sila mga Pinoy na may kanya-kanyang tindang pagkaing pinoy.
“So, lakad kami nang lakad kasi alam ko naman baka hindi nila napapanood ang Face The People kasi hindi naman yata abot ang TV5 doon, nagulat na lang ako nang tawagin akong, ‘ay si Gelli, si Face The People’ ‘tapos maraming nagpa-picture.
“Siyempre na-curious ako kasi, di ba, nakakagulat na alam nila ‘yung Face The People, so tinanong ko sila at sabi nga nila, lagi nilang pinapanood sa online, may link silang pinupuntahan at doon. Nagkuwento nga sila ng mga napanood nila at totoo nga, nasusubaybayan nila, so natutuwa ako kasi, di ba, may nanonood pala at sa Korea pa.
“Kaya nu’ng nalaman ko ‘yun nanghinayang ako kasi pinatay ‘yung programang napapanood naman pala sa ibang bansa. At hindi ‘yung basta bubuksan na lang ‘yung TV at pinapanood kasi ‘yun lang ang palabas, kundi sinasadyang panoorin kasi hinahanap nila sa online o website,” masayang kuwento ni Gagay.
Marami kasi ang nakaka-relate sa Face The People kaya maraming nanonood nito.
Pero kung sakaling ibalik sa ere ang FTP ay hahanap na naman sila ng co-host nina Gelli at Tintin Bersola dahil si Edu Manzano ay bumalik na sa ABS-CBN at may bagong serye na nga raw.
“Gusto kasi ng management, madaliang kita ngayon, hindi na nila afford maghintay ng matagal na return of investment,” paliwanag naman sa amin ng taga-TV5, “Kaya ‘kita mo, mga pino-produce na shows ngayon, galing sa Wattpad kasi mura at mabilis bumalik ang kita, at higit sa lahat, puro game shows na. Based on survey nga, mas maraming nanonood na male sa TV5 kaysa female.”
Going back to Gelli, wala pa raw siyang bagong show sa TV5.
Maski na may binanggit sa kanya ay hindi pa niya puwedeng sabihin kung ano, “hangga’t hindi nagte-taping at ipinapalabas na, hindi ka pa rin sigurado.”
Sabagay, maraming programa ang TV5 na ilang linggo nang nag-taping pero hindi naman natuloy ipalabas.