Tiniyak ng Department of Health (DOH) na makikipagtulungan sila sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa procurement ng Pneumococcal Conjugate Vaccines.

Siniguro rin ng DOH na hindi nito kukunsintihin ang anumang paglabag at ang kalusugan ng publiko ang kanilang pangunahing prayoridad.

Inihayag ng NBI na iniimbestigahan nila ang pagbili ng DOH ng Pneumoccocal Conjugate Vaccine 10 (PCV 10) noong 2012, sa panahong nakaupo na si Health On-Leave Secretary Enrique Ona.

Ayon sa NBI-Anti Fraud Division, Hunyo ng taong ito nang ikasa nila ang imbestigasyon batay sa reklamong inihain sa Department of Justice (DOJ).

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ang PCV 10 ay isang uri ng bakuna para sa mga bata para sa mga pulmonary diseases gaya ng pneumonia, meningitis, sinusitis at bronchitis.

Gayunman, hindi umano PCV 10, kundi PCV 13 ang inirekomenda ng World Health Organization (WHO) at ng National Center For Pharmaceutical Access and Management at Formulatory Executive Council na dapat na bilhin.

Nadiskubre rin na ang PCV 13 ang inaprubahan ng Bids and Awards Committee ng DOH subalit ang iniutos na bilhin ay ang PCV 10.

Nagmula umano ang direktiba sa pagbili ng PCV 10 kay Assistant Secretary Eric Tayag habang nag-isyu si Ona ng Certificate of Exemption para rito.