Nakatakdang mawala ang halos kalahati ng kanyang mga player sa kanilang susunod na laro, ayaw umasa ni Hapee Toothpaste coach Ronnie Magsanoc na makababalik ang mga ito sa araw ng kanilang laban.
Alalang-alala sa kahihinatnan ng kanilang susunod na laro dahil sa mawawala ang kanyang collegiate players, sinabi ni Magsanoc na kailangan muna niyang makita ang tiket sa eroplano ng mga nasabing player bago sila gumawa ng hakbang para sa kinakaharap na suliranin.
Tinukoy ni Magsanoc ang mga player niya na kinabibilangan ng anim sa San Beda College (SBC) at isa sa National University (NU).
Nakatakdang umalis kahapon patungong Cebu sina Red Lions cagers Baser Amer, Rysei Koga, Art dela Cruz, Ola Adeogun, Japee Mendoza at Michole Sorella, gayundin si Bulldogs Troy Rosario para sa Final-Eight schedule ng kanilang school teams sa Philippine Collegiate Champions League.
Makakasagupa ng Red Lions ang University of San Carlos sa darating na Sabado habang makakatunggali naman ng Bulldogs ang Southwestern University sa Linggo.
May posibilidad namang makabalik ang nasabing mga manlalaro sa Manila sa Lunes kung saan makakaharap ng Fresh Fighters ang Café France Bakers sa ginaganap na PBA D-League Aspirants Cup ngunit wala pa itong katiyakan kay Magsanoc.
“Lahat naman sila may value at kailangan talaga namin sa team. Ngayon, hangga’t hindi ko nakikita ‘yung plane ticket, hindi ko alam kung babalik sila,” ani Magsanoc.
Nasa panuntunan ng PBA D-League na kailangang makasipot sa venue ang isang team na mayroong anim na players sa araw ng kanilang laro para hindi sila ma-default.
Kung sakali ay mayroong pitong manlalaro na matitira sa line-up ng Hapee na kinabibilangan nina Arnold Van Opstal, Garvo Lanete, Scottie Thompson, Bobby Ray Parks, Marvin Hayes at Chris Newsome habang may isa silang player na nasa reserve list sa katauhan ni Nico Elorde ng Ateneo.