NAGA CITY- Hindi pa man natatapos ang rehistrasyon ay halos nalampasan na agad ng 2014 Batang Pinoy Luzon Qualifying leg ang rekord sa bilang ng mga batang atletang lumahok bago pa ang simpleng seremonya at pormal na pagbubukas ng kompetisyon sa dinarayong Rizal Plaza sa Naga City, Camarines Sur kahapon.

Sinabi ni PSC Games Secretariat chief at Batang Pinoy project director Atty. Jay Alano na umabot sa 4,000 ang bilang ng mga atelta na nagparehistro at nagkumpirma ng kanilang paglahok sa 26 na paglalabanang sports na isasagawa sa loob ng limang araw dito sa rehiyon ng Bikol.

Huling nagtala ang Luzon Qualifying leg ng kabuuang 4,043 atleta noong 2013 bago ang paglahok ngayon ng 135 local government units na mula sa Region 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, Cordillera Administrative Region at ang National Capital Region (NCR) na binubuo ng 16 na highly urbanized cities.

“It goes to show now that Batang Pinoy is really now being followed by our young athletes,” sinabi ni PSC Commissioner Gillian Akiko Thomson-Guevarra, siyang tumayong punong pandangal sa pagbubukas ng torneo na dinaluhan ng mga opisyal ng Philippine Olympic Committee at lokal na pamahalaan ng Naga City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Habang sinusulat ito ay isinasagawa na ang unang event sa torneo na swimming sa 1,500m para sa 15-under boys at girls at maging ang 800m sa boys at girls 15- under sa 12-under.

Nagbigay din ng kanilang mensahe si POC representative Romeo Magat at Naga City Mayor John Bongat habang ang nag-ilaw sa torch ay si Kurt Anthony Chavez. Ang Oath of Sportsmanship ay pinamunuan ni Shaira Gabrielle Guevarra habang ang Oath of Technical Officials ay si Dr. Jobert Narvadez.

Una nang itinala ng Mindanao ang pinakamaraming sumaling atleta sa kabuuang 4,578 kalahok sa 20 qualifying events na ginanap sa Zamboanga Del Sur. Pitong sports na baseball, football, gymnastics-cheerdance, judo, muaythai, soft tennis at wushu ang paglalabanan sa national finals.

Ang Baguio City ay magpapadala naman ng mahigit 150 atleta na sasagupa sa arnis, archery, athletics, boxing, chess, karatedo, swimming, taekwondo, wrestling, judo, at wushu.

Matatandaan na dinominahan ng Baguio City ang Luzon overall title sa ikatlong sunod na taon matapos na maungusan ang nangungunang Quezon City na ginanap noong nakaraang taon sa Iba, Zambales.

Kumulekta ang Baguio City ng kabuuang 47 ginto, 49 pilak at 37 tanso upang biguin ang Quezon City mula sa liderato sa huling araw ng kompetisyon na nagtipon lamang ng 44-28-35.