BONTOC, Mt. Province - Limang pulis ang sinibak sa puwesto habang masusing iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang college student na tumalon umano mula sa patrol car habang patungo sa himpilan ng pulisya sa bayang ito, noong gabi ng Nobyembre 4.

Hindi muna ipinabanggit ni Senior Supt. Oliver Enmodias, direktor ng Mountain Province Police Provincial Office, ang mga pangalan ng limang pulis na nakatalaga sa Bontoc Municipal Police at ngayon ay nasa holding area ng provincial command.

“Kailangang i-relieve muna sila dahil very controversial ang kaso. Hinihintay pa namin ang autopsy report na isinagawa ng National Bureau of Investigation upang malaman natin ang katotohanan na sinasabing binugbog siya (estudyante) ng pulis, na taliwas sa report na tumalon siya mula sa patrol van,” pahayag ni Enmodias.

Napaulat na tumalon mula sa patrol car si Stephen Bosneng Galidan, 19, tubong Bauko, Mountain Province at nakatira sa Akilit Boarding House sa Poblacion sa Bontoc, at tumama sa bangketa ang ulo nito hanggang sa namatay habang ginagamot sa ospital.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa imbestigasyon, bago ang insidente, dakong 10:00 ng gabi noong Nobyembre 4, ay kasama ni Galidan ang dalawang kaibigan na sina Roldan Libang Banwa at Carmelo Charles Battateng Bautista at galing sila sa Virtual Liquor Bar sa Poblacion at patungong Cable Café and Bar nang sitahin sila ng mga nagpapatrulyang tanod at women’s brigade, dahil pawang nakainom sila ng alak.

Habang naglalakad sa harapan ng Aglipay’s Compound ay sinita naman ang magkakaibigan ng mga nagpapatrulyang pulis dahil umano sa panggugulo, pero nakipagtalo ang tatlo sa mga pulis kaya dinakip sila pero nakatakas ang dalawang kasama ni Galidan. Kusa namang sumama sa mga pulis ang biktima.

Bago pa makarating sa himpilan ng pulisya ay tumalon umano ang estudyante mula sa sasakyan, nabagok at nawalan ng malay, pero dakong 9:40 ng umaga kinabukasan ay tuluyang namatay.

Dahil dito, duda ang mga kamag-anak ng biktima na may mali sa report ng pulisya dahil kung kusang sumama si Galidan ay hindi na niya kailangang tumalon mula sa sasakyan, halos 200 metro ang layo sa himpilan ng pulisya.

Sinabi naman ni Enmodias na matutukoy sa autopsy report kung may mga tinamong injury ang biktima, bukod sa sugat nito mula sa pagtalon sa umaandar na patrol van.

“Kung sakaling may foul play sa pagkamatay ng biktima ay malaking pananagutan ng mga pulis dito, kaya sana ay maging mahinahon muna ang mga pamilya at hintayin ang resulta ng autopsy,” ani Enmodias. - Rizaldy Comanda