Hindi pa lang nagtatagal sa pagkakaupo si VP Binay sa pagka-alkalde ng Makati, eh masalapi na pala ito. Wala tayo sa posisyon para malaman ito dahil itinago pala niya ito. Bukod sa hindi niya ideneklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Network (SALN), nasa mga bangko ito sa Hong Kong. Pinatalsik si Chief Justice Corona ng Korte Suprema, sa tulong ng PDAF ng Pangulo, dahil may ari-arian siyang hindi niya inilagay sa kanyang SALN. Paglabag kasi ito sa Saligang Batas. Puwede bang isailalim sa parehong proseso si VP Binay kahit ang hindi niya pagdeklara sa SALN ng kanyang ari-arian ay naganap nang alkalde pa lang siya ng Makati?
Problema ito ni Congressman Edgar Erice ng Caloocan na nagnanais magsulong ng impeachment sa Vice-President. Pero problema ito ng Vice President sa mamamayan lalo ngayong nabunyag na itong kanyang ginawa. Sa ilalim ng Saligang Batas, kailangan ang lahat ng opisyal ng gobyerno ay isiwalat ang kanilang ari-arian sa kanilang SALN. Kung alkalde pa lang siya noon ay sinuway na niya ang Saligang Batas, di lalo na kung siya ay maging pangulo na lahat ng kapangyarihan ay taglay nito. Mapapaniwala kaya niya ang taumbayan na iba siya noong hindi pa siya kalakasan kaysa ngayon napakalakas na siya dahil Pangulo na siya ng Pilipinas?
Pero may higit pang mabigat na ginawa si VP Binay na ang biktima na ay ang mamamayan at bayan. Tulad halos lahat ng ating mga pulitiko, inilalabas nila sa bansa ang kanilang kayamanan, kinita man ito sa legal o sa tiwaling paraan. Sa halip na umikot ang kanilang salapi sa ating bansa at may nagagamit na kapital, mga banyaga ang nakikinabang nito. kaya, laging nagkukulang ang gobyerno ng kanyang pangsustento sa mga batayang pangangailangan ng mga dukha nating kababayan. Hindi magtatagal, uutang na naman tayo gaya nang ginawa natin ngayon. Umutang na naman tayo sa World Bank ng 300 milyong dolyar na may interest na 1 porsyento kada taon pagsuporta raw sa mga proyekto, negosyo at trabaho. Kaya, mga pulitiko natin tulad ni Binay, ay bahagi ng problema, kundi sila mismo ang problema.