Tiniyak ni Senate President Franklin Drilon na dadalo siya sa simula ng imbestigasyon hinggil sa umano’y overpricing ng Iloilo Convention Center (ICC) sa Huwebes.
Ayon kay Drilon, dadalo siya sa ipinatawag na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee para magpaalam na hindi siya makikilahok upang maiwasan ang agam-agam na maiimpluwensyahan niya ang komite.
“Yes, I will attend to manifest that I will inhibit myself,” ayon kay Drilon.
Nauna ng sinabi ni Senator Teofisto Guingona III na inuna nilang kumbiidahin sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson, Department of Tourism (DOT) Secretary Ramon Jimenez at ang naghain ng kasong graft laban kay Drilon na si dating Iloilo Provincial Administrator Manuel Mejorada Jr.
Ayon sa mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi muna nila kinumbida si Senate President Franklin Drilon sa unang araw ng pagdinig dahil aalamin pa nila sa mga dokumentong isusumite sa lupon at kung ano ang kaugnayan nito sa proyekto.
Itinanggi na ni Drilon ang akusasyon laban sa kanya, at iginiit nito na ang kanyang naging papel ay ang paglaan ng pondo sa ICC at ang DPWH na ang nagpatupad ng proyekto.
Nauna ng inihayag ng oposisyon at maging ang mga kaalyado ng administrasyon na suportado nila ang gaganaping imbestigasyon.