MAGPAPAALAM na si Alden Richards sa role niya bilang si Dr. Jose Rizal sa unang bayani-serye ng GMA-7, ang Ilustrado, na finale episode na sa Biyernes (November 14) at natanong namin siya kung ano ang natutuhan niya sa pagganap sa character ng ating Pambansang Bayani.
“Sa palagay ko po nakadagdag sa aking confidence ang pagbibigay ng GMA sa akin ng opportunity na gampanan ang kanyang role,” sagot ni Alden. “Sa pagri-research ko sa katauhan ni Rizal, para pong nakita ko ang sarili ko sa kanya, sa pagmamahal niya sa kanyang ina. Inaamin ko po na nagbago ang pananaw ko simula nang mawala ang mommy ko. Siya ang naging inspirasyon ko para lalong magsikap at tulungan ang aking pamilya. Focused ako sa trabaho at least priority ko ang lovelife ko. Ngayong tapos na ang taping namin ng Ilustrado, ang pinagkakaabalahan ko ngayon ay ang taping ng Bet ng Bayan at Sunday All Stars.”
So, may time na siyang umuwi at matulog sa bahay nila? Noon kasi, three times a week siya nagti-taping ng Ilustrado at three times a week din siya out-of-town para sa regional audition ng Bet ng Bayan na hinu-host nila ni Regine Velasquez-Alcasid.
“Opo, pero nasanay na yata ako na maraming ginagawa kaya gusto ko pa ng bagong project dahil marami na akong libreng oras. Pero ang totoo po, meron kasi akong binibiling house and lot somewhere in Laguna at kung magkakaayos sa presyo, gusto kong makalipat kami ng family ko para doon na mag-Christmas or mag-New Year. Medyo mahal po kasi ang presyo, pero kapag natuloy, iyon na ang bonus ko sa sarili ko at sa family ko.”
Binabaha sila sa lugar nila sa Sta. Rosa, Laguna, bakit sa Laguna pa rin siya kumuha ng bagong house and lot?
“Malayo na po ito sa dati naming lugar sa Laguna, pero ayaw ko pong umalis sa Laguna dahil doon nag-aaral ang sister ko who is graduating na next year ng nursing at doon din may work si Daddy at ang brother ko. Ako naman, may halfway house ako sa Eastwood, kasama ko ang cousin ko, at kapag too busy ako sa work at wala nang time umuwi sa Laguna, doon ako umuuwi.”
Sa December 8, four years na sa showbiz si Alden, paano niya ia-assess ang kanyang apat na taon na sa GMA?
“Napaka-blessed ko po at thankful sa GMA for all the opportunities at sana ay magtuluy-tuloy pa rin ang blessings na matatanggap ko. Bago po matapos ang taon, may bago rin akong endorsement na lalabas at siguro ang new soap, next year na, dahil ang Bet ng Bayan hanggang sa January, 2015 pa. Nami-miss ko na rin po kasi ang role ko na kinakawawa pero lumalaban.”
Finale week na ngayon ng bayani-serye at mas malalaman ang iba pang bahagi ng buhay ni Rizal na hindi masyadong nagamit sa ibang pagsasadula ng buhay ng Pambansang Bayani. Natapos na ang love story nila ni Leonor Rivera (Kylie Padilla) sa pagpapakasal nito at makikilala naman niya ang British na si Nellie Boustead (Solenn Heussaff) na pakakasalan sana ni Rizal pero hindi natuloy. Kumusta namang katrabaho si Solenn na nang makausap sa launch noon ay hangang-hanga sa husay niya at pagiging mabait at professional? May kissing scene sila ni Solenn, hindi ba siya nailang?
“Hindi naman po at medyo nga may comedy ang kissing scene namin ni Solenn dahil tuwing hahalikan ko siya, may naiiwanang part ng bigote ko kaya nagkakatawanan kami kapag nag-sorry na ako at inaalis ko ang natanggal na buhok sa bigote ko sa lips niya. Napakabait din at very professional ni Solenn at nag-usap muna kami tungkol sa kissing scene at sabi niya, kahit daw ano ipagawa sa amin ng director, okey lamang sa kanya, kasi nga medyo passionate ang kissing scene namin.
“Thankful ako sa dalawa kong leading ladies dahil pareho silang very professional. Si Kylie ay naka-kissing scene ko rin in a dream sequence pero simple kiss lang iyon. Nagpapasalamat din po ako sa magagandang feedback sa Ilustrado at sana nakatulong kami sa mga students na sumubaybay sa amin.”
Napapanood ang Illustrado pagkatapos ng Hiram Na Alaala sa primetime ng GMA-7.