Muli na namang binato ng kritisismo at binansagan na walang nalalaman ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco ang komunidad ng mga manunulat sa sports sa isinagawa noong Biyernes na sendoff ceremony para sa pambansang delegasyon na lalahok sa 4th Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.

“Walang magawa ang mga nagsusulat na ito sa sports. Laging sinasabi na tayo ay laging debacle. Hindi nila alam ang kanilang mga pinagsusulat,” sabi ni Cojuangco sa harap ng mga pambansang atleta na lalahok sa Asian Beach Games at mga tumanggap ng kanilang insentibo sa paglahok sa Incheon Asian Games.

Ipinagmamalaki ni Cojuangco ang partisipasyon ng Pilipinas sa ginanap na 2014 Asian Games noong Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 na kung saan sa unang pagkakataon sapul noong 1998 Bangkok Asian Games ay nakapag-uwi lamang ito ng isang hindi inaasahang gintong medalya sa kasaysayan ng paglahok sa kada apat na taong torneo.

Una nang binatikos ni Cojuangco ang sports media na binansagan nito na “mga bayaran at walang alam sa pagsusulat” dahil sa mapanuring pagsusulat ng mga resulta ng kampanya at direksiyon ng isports sa bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang ginto ay nagmula sa Fil- American na si Daniel Patrick Caluag, isa sa Pilipino Olympian sa London 2012 Games, na sinagip ang Pilipinas sa pagkauhaw sa medalya sa pagwawagi sa BMX cycling. Ang gintong medalya ay kauna-unahan din ng bansa sa cyling sa buong kasaysayan ng paglahok sa Asian Games.

Ito rin ang unang pagkakataon sapul noong 2002 Asian Games na isinagawa sa Busan, Korea), na walang Pilipinong boxer ang nagwagi ng ginto sa edisyon ng Asiad. Tanging nakatuntong sa kampeonato si Charly Suarez na nabigo kay Otgondalai Dornjyambuu ng Mongolia para magkasya sa pilak.

Maski ang ipinagmamalaking Philippine Basketball Team na Gilas ay tumapos na ika-7th puwesto na pinakamababa na pagtatapos ng binuong koponan ng bansa sa kasaysayan nito sa Asian Games.

Tumapos ang Pilipinas sa pangkalahatang ika-22 puwesto na ikapitong puwesto sa mga bansang nasa Southeast Asian sa pangunguna ng Thailand, kasunod ang Malaysia, Singapore, Indonesia, Myanmar at Vietnam. Ang bansa ay isa sa walong bansa sa Southeast Asia na nagwagi ng isang ginto kasama ang Cambodia.

Kumpara sa nakalipas na kampanya sa Asian Games ay pinakamababa ang nakaraang paglahok sa Incheon kung saan mula sa ipinadala nitong 159 atleta na lumahok sa 29 sports ay nag-uwi ito ng 1 ginto, 3 pilak at 11 tanso.

Mababa ito kumpara noong 2010 Asian Games sa Guangzhou kung saan lumahok ang 188 atleta sa 29 sports na tumapos sa ika-17 puwesto sa iniuwi na 3 ginto, 4 na pilak at 9 na tanso para sa 16 na medalya.

Lumahok din ang 233 atleta sa kabuuang 31 sports noong 2006 Asian Games sa Doha, Qatar na tumapos sa ika-18 puwesto sa napanalunang 4 ginto, 6 pilak at 9 na tanso para sa 19 na medalya. Tumapos din itong ika-18th overall noong 2002 Asian Games sa Busan, Korea sa iniuwing 3 ginto, 7 pilak at 16 na tanso para sa 26 na medalya.

Pababa rin ang naging direksiyon ng Pilipinas sa paglahok nito sa kada dalawang taong Southeast Asian Games kung saan noong 2013 Southeast Asian Games sa Naypyidaw na nilahukan ng 210 atleta ay tumapos ito sa pinakamababang ikapitong puwesto sa overall sa iniuwing 29 ginto, 34 pilak at 37 tanso para sa kabuuang 100 medalya.

Noong 2011 Southeast Asian Games sa Jakarta at Palembang na nilahukan ng 512 atleta sa 39 sports ay tumapos ito na ikaanim sa overall sa iniuwing 36 ginto, 56 pilak at 77 tanso para sa 169 medalya. Ikalimang puwesto ang Pilipnas noong 2009 Southeast Asian Games sa Vientiane kung saan nakapaguwi ito ng 38 tanso, 35 pilak at 51 tanso para sa kabuuang 124 medalya.

Nagawa ng Pilipinas na magwagi ng gintong medalya sa ginanap na Youth Olympic Games sa archery subalit hindi naman ito nakatala sa opisyal na medal standing at kinailangan ng tulong mula sa atleta ng China na una nang iniuwi ang gintong medalya sa individual event.