Ni GENALYN D. KABILING
Bunsod ng resulta ng survey na nagsasabing tiwala ang publiko na makababangon ang mga biktima ng Yolanda, nangako ang gobyernong Aquino na tatapusin ang mga short-term at medium-term rehabilitation project sa mga lugar na hinagupit ng kalamidad.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na nagsilbing inspirasyon para kay administrasyon ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) upang tapusin ang rehabilitasyon at maibalik ang normalidad ng mga biktima ng bagyo.
Kabilang sa mga multi-year plan ang iba’t ibang proyekto tulad ng paglilipatan ng mga nawalan ng tahanan, imprastraktura, kabuhayan at serbisyong panlipunan sa lugar na tinamaan ng kalamidad.
“Ang resulta ng survey ay lalong nagbibigay ng inspirasyon sa pamahalaan upang paigtingin pa ang mabilisan at epektibong pagpapatapud ng CRRP para sa kabutihan at kapakanan ng lahat ng nasalanta sa Yolanda corridor,” pahayag ni Coloma sa radyo.
Sinabi pa ng opisyal na nakikiisa ang gobyerno sa sentimiyento ng mga mamamayan para sa agarang pagbangon ng mga komunidad na winasak ni Yolanda.
Ito ay matapos lumitaw sa SWS survey na isinagawa noong Setyembre 26 hanggang 29, 93 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing positibo sila na makababangon ang mga apektadong komunidad.
Hindi bababa sa 62 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing sila ay “very hopeful (malaki ang pagasa),” 28 porsiyento ang “somewhat hopeful (medyo may pag-asa),” anim na porsiyento ang “somewhat not hopeful (medyo walang pag-asa),” at apat na porsiyento “not hopefull at all (hindi na umaasa).”