Ni GENALYN D. KABILING

Gagatos ang gobyerno ng P24 milyon mula sa kaban ng bayan sa limang-araw na biyahe ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa China at Myanmar ngayong linggo.

Umalis kahapon ang Pangulo patungong Beijing, China upang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Nobyembre 9-11. Pagkatapos nito, bibiyahe siya patungong Myanmar para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEA) meeting hanggang sa Nobyembre 13.

Ipinaliwanag ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. na ang P24 milyon na gagastusin sa biyahe ay para sa transportasyon, accommodation, pagkain, equipment at iba pang kakailanganin ng Punong Ehekutibo at ng kanyang delegasyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bumiyahe lulan ng chartered plane, kasama ng Pangulo sina Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, Trade and Industry Secretary Gregory Domingo, Finance Secretary Cesar Purisima, Socio- Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan, Presidential Management Staff Chief Julia Andrea Abad at Presidential Protocol Chief Celia Anna Feria.

Kasama rin sina Presidential Spokesperson Edwin Lacierda at Social Secretary Susan Arnaiz sa China, habang sina Cabinet Secretary Jose Rene Almendras at Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. naman ang kasama ng Pangulo sa Myanmar.

Sa Beijing, inaasahang tatalakayin ni Pangulong Aquino ang mga repormang pang-ekonomiya sa APEC CEO Summit 2014 habang mga innovative development, pagsulong ng ekonomiya at pagpapalakas ng structural development naman ang pag-uusapan sa APEC Economic Leaders’ Meeting.

“Sa yugtong ito ng positibong transpormasyong tinatamasa ng bansa, talaga naman pong sinusulit natin ang pagkakataong makilahok sa ganitong mga pagtitipon. Ang layon natin: lalong maging maugong sa mundo ang magagandang balita mula sa Pilipinas, at umangat pa ang kanilang kumpiyansa sa ating ekonomiya,” sinabi ni Pangulong Aquino kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago lumisan patungong Beijing.

Sinabi pa ng Pangulo na magkakaroon din siya ng diyalogo sa mga Asia-Pacific leader sa iba’t ibang paksa, kabilang ang “strengthening disaster preparedness and response, development of small, medium and micro enterprises, and promoting good governance”.

Ipahahayag ang kahandaan ng Pilipinas na mag-host ng susunod na APEC summit, kabilang din sa sidelines ng pulong ang paghimok ng Pangulo sa mga mamumuhunan. Magpapasalamat din ang Presidente sa mga nagpaabot ng tulong sa Pilipinas matapos salantain ng mga kalamidad ang bansa.

Inaasahang babalik sa bansa si Pangulong Aquino sa Huwebes, Nobyembre 13.